ni Mary Gutierrez Almirañez | March 29, 2021
Isinugod sa ospital si dating Pangulong Joseph 'Erap' Estrada matapos magpositibo sa COVID-19, batay sa Facebook post ni dating Senador Jinggoy Estrada ngayong umaga, Marso 29.
Aniya, "Sa aking mga kababayan, nais ko pong ipaalam sa inyo na ang aking ama na si dating Pangulong Joseph Estrada ay isinugod namin sa ospital kagabi sa kadahilanan ng panghihina ng kanyang katawan.Na-diagnose na po siya na positibo sa Covid 19."
Dagdag pa niya, "Stable po ang kanyang kondisyon at ako po ay humihingi ng inyong mga panalangin sa kanyang agarang paggaling. Maraming salamat po! Stay safe, mga kababayan ko!" Sa panayam kay Jinggoy ay sinabi niyang Huwebes pa lamang ay nanghihina na ang kanyang ama. Pabalik-balik ito umano sa banyo at inakala niyang dahil lamang sa paninigarilyo kaya ito nahihirapang makahinga.
Kuwento pa niya, "Ipina-swab ko that day, negatibo naman. Pagkatapos, kahapon napansin kong mahinang-mahina siya, hiningal. Doon na ako naalarma. Inuubo rin. Sabi ng doktor na kakilala ko, dalhin na sa ospital.
"Unang-una, mahigpit naming sinasabi sa kanya na senior citizen siya, madaling mahawa. Siguro one of his visitors, merong may COVID, nahawa, 'di rin natin alam," paliwanag pa niya. Sa ngayon ay naka-self-quarantine na si Jinggoy matapos maging close contact ng 83-anyos na dating pangulo at former Manila mayor na si Erap Estrada.