ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| September 21, 2022
Isa ka ba sa mga nagtataka kung bakit sa tagal mo nang single ay wala ka pa ring dyowa o kaya naman, nababahala ka na dahil malapit nang lumagpas sa kalendaryo ang iyong edad, pero kahit ka-talking stage ay wala ka? Oh no!
Minsan, hindi natin alam kung ano ba talaga ang may mali — timing o tayo mismo. ‘Yun bang, isinisisi natin sa timing kung bakit zero ang love life natin, pero sa totoo lang, tayo naman pala ang dahilan kaya tayo nananatiling single.
Anu-ano ang mga bagay na nakakapigil para magka-love life ang isang tao?
1. YOU DATE UNAVAILABLE PEOPLE. Marahil, hooked ka sa mga taong ‘unavailable’ — ‘yung taong makakasakit lang sa ‘yo. Hindi lang ito isang beses nangyari kundi paulit-ulit na, kumbaga, naging pattern na at siguro, nagsisimula ka nang maniwala na wala talagang para sa iyo. Pero sa totoo lang, ang mga ganitong uri ng tao ang pinipili mo unconsciously dahil ayon sa mga eksperto, ang mga ‘unavailable people’ ay daan para makaiwas ka sa totoong intimacy. Dahil dito, hindi ka talaga makakabuo o makakahanap ng serious relationship.
2. YOU DON’T LET PEOPLE IN. Kung gusto mong pumasok sa isang relasyon, common sense na hindi puwedeng mag-isa ka lang. Sabi nga nila, hindi mo mapipili ang tao na iyong mamahalin, pero hindi ‘yan applicable sa lahat dahil may mga tao na kayang itago ang kanilang feelings at mag-isolate. Sey ng experts, isa itong defense mechanism para sa mga taong palaging nadi-disappoint ng kanilang pamilya, kaibigan, partner atbp. Gayunman, kung struggling ka sa aspetong ito, kailangan mong mag-heal muna sa past relationship na nagdulot sa iyo ng trauma.
3. ADDICTED TO ‘BUTTERFLIES’. For sure, may mga pagkakataong nadadala ka every time na may nakikilala kang bago. ‘Yun bang, lahat ng ginagawa niya ay ikinakakilig mo, pero take note, hindi ito senyales na siya na ang para sa iyo. Ayon sa mga eksperto, ang paghahanap ng “butterfly feeling” sa bagong connection ay maaaring makaapekto sa pagbuo ng genuine at pangmatagalang relationship sa iba.
4. YOU DON’T TRUST. Hindi kasalanan ng bago mong partner kung wala kang tiwala sa kanya dahil sa hindi mo magandang past. Dahil d’yan, kailangan mong maunawaan na unfair para sa partner mo kung hindi ka magtitiwala sa kanya dahil sa pagkakamali ng ibang tao.
5. LOW SELF-ESTEEM. Ayon sa mga eksperto, ang iyong self-esteem ay kritikal sa isang relasyon. Kapag mababa umano ang self-esteem, malaki ang posibilidad na ma-self sabotage ng happy relationship dahil pakiramdam nila ay wala silang “K” na magkaroon ng karelasyon. Paliwanag ng mga eksperto, kapag hindi mataas ang self-esteem ng isang tao, hindi siya nag-e-expect o nagde-demand ng klase ng treatment na deserve niya.
6. UNREALISTIC EXPECTATIONS. Minsan, ang mga expectation natin ang nagiging dahilan kaya hindi tayo nagkaka-love life. Halimbawa, in-assume mo agad na hindi magwo-work ang inyong relasyon o nag-e-expect ka ng grand gestures kahit hindi mo naman sinasabi kung ano talaga ang mga gusto mo. Sey ng experts, kung masyadong malayo sa katotohanan ang expectations mo, posibleng ma-miss out mo ang iyong potential partner.
7. YOU DON’T COMMUNICATE. Sabi nga, ang komunikasyon ay isa sa mga sangkap ng isang healthy relationship. Kung may gumugulo sa isip mo, ang the best na solusyon ay sabihin ito sa partner mo upang mapag-usapan n’yo ito. Pero kung hindi ganito ang nakasanayan mong paraan ng pagresolba ng mga problema, isa pang problema ‘yan, besh.
Bakit ka nga ba single — dahil ba wala pa sa timing o dahil mismo sa iyo?
Well, kung sapul ka sa mga nabanggit na dahilan sa itaas, galaw-galaw na, besh. Hindi naman sa minamadali kita, pero what if kailangan mong mag-adjust o kumilos at hindi maghintay lamang ng tamang tao para sa ‘yo?
Malay mo, nar’yan na pala siya sa harap mo, pero dahil sobrang taas ng expectations at ibang toxic traits mo ay nababalewala siya? Isip-isip ka na, besh!