ni Jersy Sanchez - @Life & Style| September 19, 2020
Ngayong tag-ulan, hindi lang trangkaso ang usong sakit dahil nar’yan din ang dengue, malaria, diarrhea, typhoid fever, cholera at leptospirosis. At kung ikokonsidera pa ang sitwasyon kung saan nahaharap tayo sa COVID-19 pandemic, talagang masakit sa ulo at bulsa na magkasakit o may maaksidente sa pamilya. Kaya para maiwasan ang mga hindi magagandang pangyayari sa tahanan, narito ang ilang paraan para protektahan ang sarili at pamilya laban sa mga sakit o sakuna:
INSPEKSIYUNIN ANG BUBONG AT ALULOD. Aminin na natin, ilan ito sa mga hindi gaanong nabibigyan ng atensiyon. Dahil tag-ulan na naman, simulan nang tanggalin ang mga tuyong dahon at iba pang dumi na naipon sa bubong dahil kailangang makadaloy nang maayos ang tubig-ulan sa mga alulod. Alamin kung kailangang i-repair ang bubong para makatiyak na hindi papatakan ng ulan ang loob ng bahay.
PESTE ALERT. Madalas na bahayan ng mga daga, ipis, lamok at iba pa ang maruruming lugar. Kaya kung maulan at marumi ang bahay n’yo, alam na! Para matiyak na walang peste sa inyong tahanan, regular na maglinis ng bahay. Takpan ang mga butas na maaaring pasukan ng daga at linisin ang mga sulok ng bahay na puwedeng pamahayan ng ipis o lamok.
‘WAG IPASOK AGAD ANG SAPATOS AT PAYONG. Para iwas-aksidente sa bahay, ugaliing magpatuyo ng basang sapatos at payong sa labas. Tiyaking may basahan na puwedeng punasan ng mga paa para hindi madulas.
GENERAL CLEANING. Kahit busy tayo sa trabaho at paghahanda sa pasukan sina bagets, ugaliin pa ring magkaroon ng general cleaning kahit isang beses kada linggo. Kung tulung-tulong ang buong pamilya, mas mabilis itong matatapos, gayundin, maiiwasan ang pagtambak ng mga dumi na maaaring pagmulan ng germs at iba pang sakit. Isama na rin ang regular na pag-disinfect ng sahig at mga areas na laging nahahawakan tulad ng door knob, telepono, countertops at iba pa.
REGULAR NA PAGTAPON NG BASURA. Hassle talagang lumabas para magtapon ng basura ‘pag umuulan, pero mga bes, ‘wag tayong tamarin. Kapag natambak ang basura sa bahay, babaho ito at pamamahayan ng langaw at ipis. Once na napuno ang basurahan, magtapon na agad. Gayundin, tingnan kung may puwedeng i-recycle tulad ng plastic bottles.
CLEANING SUPPLIES. Para regular na makapaglinis, dapat may sapat kang cleaning supplies. Tuwing mamimili sa grocery, ‘wag kalimutan ang mga panlinis tulad ng sabon, bleach at disinfectant.
CLEANING SCHEDULE. Kung busy ang lahat ng tao sa bahay, mahalagang magkaroon ng schedule kung kailan maglilinis at ano’ng partikular na parte ng bahay ang lilinisin. Maganda ring isama rito kung sino ang gagawa ng task. Halimbawa, si ate para sa kusina, si kuya para sa garahe o si bunso bilang taga-assist. Sa paglilinis ng bahay, kailangan din ng dedication at pagsunod sa itinakdang iskedyul. Kung masusunod ito, tiyak na mapananatiling ligtas ang ating tahanan.
Sa totoo lang, nakakapagod at hassle ang paglilinis ng bahay gayung tag-ulan dahil sa malamig na panahon. Pero sa halip na matulog maghapon, mas maganda kung may magagawa tayong makabuluhan, lalo na kung para ito sa kaligtasan ng ating pamilya.
Sundin lamang ang tips na ito para sa mas malinis at ligtas na tahanan ngayong tag-ulan. Gets mo?