ni Jersy L. Sanchez @Life & Style | January 30, 2023
Knows n’yo ba na usong-uso ngayon ang matcha?
Kilala ang matcha dahil sa kulay nitong nakakarelaks tingnan at patok itong flavor ng ilang inumin at pagkain dahil sa kakaiba nitong lasa. Ilan sa mga nausong inumin ang matcha milktea, matcha latte, gayundin ang matcha-flavored pastries at kung anu-ano pa.
Para sa kaalaman ng lahat, ang matcha ay powdered o pinulbos na uri ng green tea mula sa Japan na iniinom sa loob nang 1,000 taon. Gayundin, ito ay pinalalaki at inihahanda sa ibang paraan, kaya naman ito ay kakaiba sa regular green tea, na may mataas na caffeine content.
Gayunman, hindi lang ito tinatangkilik dahil magandang tingnan kundi dahil sa napakarami nitong benepisyo sa ating kalusugan. Anu-ano ang mga ito?
1. PANLABAN SA PAMAMAGA. Nakakatulong ang matcha na mabawasan ang pamamaga. Gayunman hindi lamang ang mga antioxidants sa matcha ang may anti-inflammatory properties kundi maging ang iba pang compounds tulad ng phenolic acid at chlorophyll. Ayon sa mga eksperto, ang pag-inom ng matcha ay nakakabawas ng sintomas ng iba’t ibang sakit at kondisyon na may kaugnayan sa inflammation tulad ng diabetes at arthritis.
2. NAGPAPALAKAS NG IMMUNE SYSTEM. Yes, besh! ‘Yan ay dahil may dalawang compound ang matcha na nakakatulong upang mapalakas ang immune system, na nagiging daan naman upang malabanan ang mga karamdaman. Ang mga compound na ito ay may catechins, phenolic compounds na mataas ang antioxidants, at quercetin, isang bitter compound na natatagpuan sa maraming prutas at gulay. Gayundin, ang catechin at quercetin sa matcha ay mayroong antiviral properties, na nakakatulong upang labanan ang COVID-19 at flu.
3. INAAYOS ANG BLOOD SUGAR LEVEL. Kung ikaw ay may diabetes o may risk na magkaroon nito, makakatulong ang matcha sa pag-regulate ng iyong blood sugar level. Partikular umano ang polyphenols sa matcha na nakakapagpabagal ng absorption ng glucose, at nakakapagpababa ng tsansa na magkaroon ng blood sugar spike. Gayundin, dahil nakakapagpababa ng blood sugar level ang matcha, nakakatulong din ito sa pagpapababa ng timbang.
4. PANLABAN SA ALZHEIMER’S DISEASE. Ang rutin, isang flavonoid ay nakakatulong umano upang maprotektahan ang utak laban sa neurodegenerative condition tulad ng Alzheimer’s disease. Bukod pa rito, mabisa ang matcha pagdating sa pagpopokus at stress management. Sa isang pag-aaral, ang mga taong kumokonsumo ng matcha ay mas nakakapag-perform nang maayos habang isinailalim sa test na may kaugnayan sa attention, memory at writing kumpara sa mga kumonsumo ng pure caffeine.
5. GOOD SA PUSO. Base sa pag-aaral, ang caffeine at polyphenols sa green tea ay nakakapagpaganda ng kalagayan at nakakapagpababa ng inflammation sa puso. Gayundin, maaari umanong makatulong ang green tea na malabanan ang mga serious medical condition tulad ng heart failure at stroke.
6. PANLABAN SA KANSER. Ang catechins, polyphenols at Vitamin C sa matcha ay nakakatulong upang mapigilan ang paglaki ng cancerous cells, gayundin ang metastasis o pagkalat ng kanser sa katawan.
Kung may mga benepisyo ang matcha, mayroon din itong negatibong epekto. Paliwanag ng mga eksperto, dahil sa taglay na caffeine ng matcha, mayroon ding masamang dulot ang sobrang pagkonsumo nito tulad ng anxiety, migraine, insomnia at caffeine dependence.
Bagama’t batid nating may mabuting naidudulot sa katawan ang caffeine na taglay ng matcha, palagi nating paalala na ang lahat ng sobra ay nakakasama.
Kaya naman kung gusto n’yong masulit ang mga positibong epekto ng matcha, drink moderately.
Okie?