ni Lolet Abania | February 16, 2022
Labing-anim na indibidwal ang nasugatan matapos na bumagsak sa halos 100 metro ang sinasakyan nilang pampasaherong jeep mula sa roadside cliff o bangin sa tabing daan sa Pagbilao, Quezon bago magmadaling-araw ngayong Miyerkules.
Kinilala ng Police Regional Office-4A ang 12 sa mga biktima na sina Ronnel Francia, 28, driver ng jeep; Benz Jomar Fuentes, 23; John Cedric Gardon, 15; Gina Lozano, 52; Sharmaine Corino, 26; Noli Francia, 18; Beah Grace Camacho, 10; Anabel Camacho, Jose Camacho, Cherry Samson, Solen Samson, Analyn Arnejo na agad isinugod sa Quezon Medical Center sa Lucena City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, inararo ng pampasaherong jeep ang mga barrier na nasa tabi ng daan bago tuluyang mahulog sa Zigzag Road sa Barangay Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon.
Ayon sa director ng Quezon Police Provincial Office na si Police Col. Joel Villanueva, ang mga biktima ay nanggaling sa isang kasalan sa San Jose, Camarines Sur, at pauwi na sana sa kanilang tirahan sa Dasmariñas, Cavite nang maganap ang aksidente.
Base sa paunang impormasyon, nagkaroon ng malfunction ang brakes nito, saka inararo ng naturang sasakyan ang mga barriers at diretsong nahulog sa bangin.
Ayon sa mga awtoridad, naging pahirapan sa mga rescuers ang pagsagip sa mga biktima dahil hindi lamang sa malalim ang bangin, kundi ginawa ang rescue operation sa masukal na lugar habang madilim pa ng mga oras na iyon.
Karamihan sa mga biktima ay nagtamo ng head injury at bone fracture, kung saan ayon sa pulisya wala namang nai-report na nasawi sa insidente.