ni Thea Janica Teh | September 2, 2020
Unti-unti nang nagiging realidad ang flying car dahil sa pagbuo ng isang Japanese firm sa drone-like prototype!
Makikita sa inilabas na video ng engineering company na Skydrive kung paano gumagana ang isang vehicle gamit ang 8 propeller para pumagaspas sa hangin at lumipad sa paligid ng test field.
Marami ang na-excite sa mala-“Blade Runner” at “Back to the Future” invention ng Japan, ngunit ang test run nito ay malayo pa rin sa pinapangarap ng lahat na makalipad sa himpapawid at maiwasan ang heavy traffic.
Ito ang kauna-unahang public demonstration ng flying car sa Japan. Ang nasabing aircraft ay kasinglaki ng dalawang naka-park na sasakyan. Ang test drive ay tumagal sa himpapawid ng 4 minuto.
Ayon kay SkyDrive CEO Tomohiro Fukuzawa, gusto nitong ibahagi sa publiko na accessible at mas mapapadali ang transportasyon sa himpapawid gamit ang flying car.
Tinatayang $300,000 ang halaga nito kapag naging available sa Japan sa 2023.
Hindi ito ang kauna-unahang airborne vehicle na ginawa sa buong mundo. Nagsagawa na rin ng flying taxi ang German company sa Singapore noong Oktubre at tinawag itong Volocopter.