ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 7, 2024
Photo: Vice Ganda sa 'And The Breadwinner Is' mediacon - YT
May pa-big reveal si Meme Vice Ganda sa ginanap na mediacon ng And The Breadwinner Is… na isa sa mga official entries sa 50th Metro Manila Filmfest.
Nagsisimula pa lang ang presscon, naikuwento na ni Vice na nag-seek siya ng professional help at nagte-therapy hanggang ngayon para sa kanyang mental health dahil medyo matagal-tagal na rin daw itong “pinagdaraanan” niya na hindi naman niya binanggit kung ano, basta tungkol daw sa personal niyang buhay.
But definitely, wala raw kinalaman du'n ang kanyang pamilya na laging all-out support at napakabuti sa kanya at hindi siya inoobligang maging breadwinner kahit pa aminado si Vice na siya naman talaga ang may pinakamalaking kita sa kanilang magkakapatid.
Napag-usapan ito dahil sa latest MMFF entry ng Star Cinema at IdeaFirst Productions na tumatalakay sa isa sa mga totoong sitwasyon sa ating bansa kung saan handang gawin ng isang breadwinner ang lahat kesehodang buhay niya ang nakataya mabuhay lang ang kanyang pamilya.
Thankful lang si Vice dahil nakakaangat-angat siya sa totoong buhay kaya hindi niya kailangang pagdaanan ang pinagdaanan ng kanyang role sa movie na sa kanilang pamilya ay siya ang nagsakripisyo para lang kumita ng pera.
At sabi nga ni Vice, ayaw niyang isiping “utang na loob” na dapat tanawin sa kanya ng pamilya ang mga ginagawa niya dahil kusang-loob niyang ginagawa ang pagtulong at masaya siya ru'n.
Samantala, parang isang malaking pamilya naman sina Vice at mga co-stars niya sa And The Breadwinner Is… dahil pare-parehong malalapit sa kanya sina Eugene Domingo, Gladys Reyes, Jhong Hilario, Maris Racal and Anthony Jennings, ang batang si Argus, Via Antonio, Kokoy de Santos, MC and Lassy at maging si Malou de Guzman.
Showing na ang movie on Dec. 25 mula sa direksiyon ni Jun Lana.
GF at ka-love team, pinagsabay…
ANTHONY: SORRY KINA MARIS AT JAM
Speaking of Anthony Jennings, matapos magsalita ni Maris Racal tungkol sa trending scandal nila ngayon sa social media dahil sa nabulgar na “something” nila na sinimulan ng ex-GF umano ng aktor na si Jamela Villanueva, naglabas na rin ng public apology ang controversial actor kahapon, Biyernes, December 6.
Sey niya, "Sa lahat ho ng mga nangyari noong nakaraang araw, sa lahat ho ng mga taong nasaktan ko, especially po si Maris at saka si Jam, humihingi ho ako ng tawad sa dalawang babae, and sa mga lahat po ng mga nadamay ko rin po.
"Iyon lamang po. Sorry po ulit."
Pero sa kabila ng pagso-sorry ni Anthony, maraming fans pa rin ni Maris ang gigil na gigil dito dahil kung hindi pa pala nabulgar ang kalokohan niya, wala siyang balak mag-sorry maging sa dalawang babaeng nasaktan at pareho niyang niloko?
Ano naman kaya ang sagot ni Maris sa simpleng “sorry” ni Anthony at sa paninira sa pagkatao niya ng ex-GF “daw” nito?
Ayaw pang umamin ng mga bida ng My Future You na sina Francine Diaz at Seth Fedelin na magdyowa na sila, mag-BFF lang daw, pero pareho naman silang “hoping” na ang isa't isa na nga ang maging “future” nila.
Sabi ni Seth sa nakaraang grand mediacon ng My Future You na entry ng Regal Entertainment sa 50th MMFF, hindi pa niya natatagpuan ang kanyang “future” na gusto niyang makasama habambuhay, pero aminado siyang ang mga qualities ni Francine tulad ng pagiging family-oriented, maalalahanin at conservative sa pananaw sa buhay, bukod sa magagandang values nito, ang mga hinahanap niya sa isang babae.
Mahalaga para kay Seth ang family values dahil ganito rin daw siya pinalaki ng kanyang family at du'n nga sila nagkakasundo ni Francine.
Aminado rin naman si Francine na kay Seth din niya nakikita ang mga gusto at hanap niya sa isang lalaki, pero sa ngayon, pareho raw kasing career ang priority nila lalo na't mga bata pa sila at ngayon nga lang nabigyan ng malaking break para magbida sa My Future You na malalaking movies ang babanggain sa 50th MMFF.
Well, kung sila na talaga o hindi pa, ang mas mahalaga naman ay ang kilig na hatid nila sa mga fans sa kanilang MFY movie na inaasahang malakas ang hatak lalo na sa mga bagets na naghahanap ng kanilang ‘future’.
May mga lessons din sa movie kaya ‘wag palagpasin ang movie na mula sa direksiyon ni Cristiano Aquino.
Showing na rin ang MFY on Dec. 25 mula sa Regal Entertainment.