ni Janiz Navida @Showbiz Special | Oct. 28, 2024
Photo: Jake Cuenca IG
Sa edad na 36, malinaw kay Jake Cuenca na career pa rin ang top priority niya, kahit masaya naman ang love life ng Kapamilya actor having Chie Filomeno as his girlfriend.
Isa si Jake sa mga very passionate actors natin sa showbiz industry to the point na hindi lang basta trabaho para sa kanya ang pag-arte kundi kina-career talaga niya ito.
Tulad na lang sa bago niyang serye na gagawin sa Prime Video at mapapanood sa Kapamilya Channel, na unang proyekto niya matapos mag-renew ng kontrata kamakailan sa kanyang home network.
Dahil gaganap na bilanggo sa What Lies Beneath na ididirek ni Dado Lumibao, kusa raw na nag-volunteer si Jake na magbuhay-inmate sa loob ng Mandaluyong City Jail upang maranasan ang mga ginagawa ng mga preso at kung paano sila tinatrato.
Two months na pabalik-balik si Jake sa loob ng kulungan para mag-sink-in sa kanya ang bagong karakter na gagampanan. At sinabi raw talaga niyang ‘wag siyang itratong artista o VIP kaya kung ano ang kinakain ng mga inmates ay kinain din niya.
Excited si Jake sa bago niyang role matapos ding tumatak sa manonood ang kanyang karakter (as Cyrus) sa huling serye na kanyang ginawa, ang What's Wrong with Secretary Kim?.
Sa panayam namin kay Jake nu'ng Sabado, naikuwento niyang minsan na rin siyang muntik ma-disorient at masira ang kanyang career lalo na nu'ng magsabay-sabay ang problema niya nang mahiwalay siya sa kanyang girlfriend at may kumalat pang iskandalo sa kanya, gayundin ang bad publicity tungkol sa kanyang mga bisyo.
At kesa mag-resort sa bisyo at malugmok, du'n daw na-realize ni Jake na mas pahalagahan ang kanyang career at mas ayusin ang takbo ng kanyang buhay kaya nag-quit na siya sa smoking at pag-inom ng alak.
Kahit anong tukso at pagyayaya nga raw ngayon ng kanyang mga kaibigan at bosses sa ABS-CBN kapag may okasyon, todo-tanggi na si Jake na tumikim ng alak para ‘di na mabalikan ang mga dating bisyo.
Marami pang pangarap na gustong maabot si Jake bukod sa pinag-aaral pa raw niya sa kolehiyo ang kanyang younger sister, kaya wala pa rin sa isip niya ang magpakasal at magka-pamilya.
Thankful naman siya sa GF na si Chie na hindi ito demanding sa time at laging nakasuporta sa kanyang mga ginagawa.
Smooth-sailing daw ang relasyon nila at tanggap na tanggap si Chie ng kanyang pamilya.
Sa ngayon, pareho raw malinaw sa kanilang dalawa na unahin muna ang trabaho at pag-iipon bago lumagay sa tahimik.
Kaya nga nang biniro namin si Jake kung sino kaya sa kanilang magkakaibigan (Jake, Gerald Anderson at Paulo Avelino) ang mauunang magpakasal, aniya ay baka si Gerald dahil nakikita niya ngang papunta na rito ang relasyon ng BFF sa aktres na si Julia Barretto.
Hmmm… Ang sure, isa si Jake sa mga bestmen ni Gerald sa kasal nito sa tagal na rin ng friendship nila.
‘Di aatras… WILLIE, MAY BIGTIME SPONSOR SA PAGTAKBONG SENADOR
BUKOD pala sa P3 milyong idinoneyt ni Kuya Willie Revillame sa Angat-Buhay Foundation ni former VP Leni Robredo para sa mga biktima ng Bagyong Kristine sa Bicol, namigay din ng tulong-pinansiyal ang Wil To Win host sa mga pamilyang namatayan sa Batangas.
Nakausap namin kahapon ang friend naming si Wheyee Lozada na isa sa mga trusted staff ni Kuya Wil at nasabi nga niyang nasa Bgy. Sampaloc, Talisay, Batangas sila dahil pinuntahan ni Kuya Wil ang mga pamilya ng mga nalibing nang buhay na umabot na pala sa 20 ang nahukay.
Napaiyak daw si Kuya Wil nang makakuwentuhan ang mga kamag-anak ng mga biktima, na ‘yung isa nga raw tatay na nakausap ng TV host, buong pamilya niya ang nawala at siya lang ang natira.
Nag-abot daw ng cash ayuda ang TV host at nakiramay sa bawat pamilyang kanyang pinuntahan.
Samantala, isang reliable source rin ang nagtsika sa amin na hindi aatras si Kuya Wil sa pagtakbong senador dahil may isang big time businessman pala na mining ang negosyo ang nangakong mag-i-sponsor sa pagtakbo ni Kuya Wil.
Kaya pala kahit independent candidate, go, go, go lang si Willie Revillame sa pagtakbong senador sa 2025 midterm elections.
INILUNSAD ng Bilyonaryo News Channel (BNC) ang isang bagong daily program, ang On Point sa pangunguna ni Pinky Webb na isang pinagkakatiwalaang boses sa national television at kilala sa kanyang malalim na coverage sa mga isyu at magaling na pagkukuwento.
Mag-aalok ang On Point ng eksklusibo at napapanahong kuwento at kaganapan sa bansa sa araw-araw.
Mapapanood ang On Point tuwing Lunes hanggang Biyernes mula 7:30 PM.
Masusubaybayan ang Bilyonaryo News Channel sa free-to-watch television channel BEAM TV 31 (sa pamamagitan ng digital TV boxes sa Metro Manila, Cebu, Davao, Iloilo, Baguio, Zamboanga at Naga) at cable TV provider na Cignal Channel 24.