ni Janiz Navida @Showbiz Special | June 29, 2024
Inulan ng papuri at pasasalamat si Dingdong Dantes nang basahin kahapon ang mahabang speech niya para ipaliwanag kung bakit ini-nominate ng AKTOR PH Organization na kanyang pinamumunuan ang Star for All Seasons na si Vilma Santos para maging National Artist.
Sa aming Facebook Live, mababasa ang mga positibong komento ng mga netizens na pumupuri at nagpapasalamat kay Dingdong sa pagsuporta at pagsusulong nila para maibigay na nga ang sinasabing long overdue na parangal sa nag-iisang Vilma Santos-Recto.
Sa dami ng achievements ni Ate Vi na binasa ni Dingdong kung saan napakaraming pelikula ng aktres ang tumatak sa maraming manonood tulad ng Relasyon, Tagos sa Dugo, Dolzura Cortez Story, Dekada '70, Anak, Everything About Her at marami pang iba, nagkakaisa ang mga netizens sa pagsasabing may "K" at napapanahon na talagang ibigay sa Star for All Seasons ang naturang parangal.
Kasama ni Dingdong na humarap kahapon sa media sina former DepEd Undersecretary Jesus Mateo and former DepEd Usec. Atty. Toni Umali upang isa-isahin ang mga puntos kung bakit dapat lang kilalanin ng NCCA ang mga naging kontribusyon ni Ate Vi sa film and broadcast.
At ang nakakabilib, bukod sa kanilang endorsement, may 26 pang iba't ibang grupo at sektor ang nagpahayag din ng kanilang suporta para kilalanin na nga si Ate Vi at gawing National Artist.
Ilan lang sa kanila ang Philippine Association of State Universities and Colleges, UP College of Mass Communication, UP Diliman, Bicol University, FDAP fashion designer association of the Philippines, Cong. Danilo Ramon Fernandez ng Sta. Rosa, Laguna, SOFIA (Society of Filipino Archivists for Film), UST- Dept of Communication and Media Studies, Metro Manila Association of Retired and Retiring educators, Multimedia Press Society of the Philippines Incorporated (sa pamumuno ng aming mga kapwa manunulat na sina Ambet Nabus at Jun Nardo), Ladlad Bukas Isip, Bukas Puso, VIVA communications, Inc. at marami pang ibang grupo ng mga tagahanga at supporters ni Ate Vi.
Nang makapanayam namin si Dingdong, aniya, maging siya ay bilib na bilib nang mabasa niya ang lahat ng nagawa ni Ate Vi para sa industriya at 'di niya sukat-akalain na magagawa ito ng isang tao lang.
Ipinagpapasalamat din niya ang lahat ng advise at tulong ni Ate Vi sa kanilang AKTOR PH kung saan isa ito sa mga board members dahil ramdam daw niya ang sincere na malasakit ng aktres sa movie industry at sa mga kapwa aktor at manggagawa sa industriya.
Tinanong nga namin si Dong kung paano siya nai-inspire ni Ate Vi at aniya, "Para mo siyang nanay. I think it's because of her genuine approach to everything and to everyone. Ibig sabihin, nanonood ka pa lang, tumatagos na talaga sa screen 'yung kanyang character. Akala mo kilalang-kilala mo na siya, 'yun pala dahil napanood mo siya. Ganu'n siya."
Dagdag pa ni Dingdong, "And very, very inspiring kasi naging consistent siya. 'Yun ang pinakamahirap sa lahat, puwede kang maging magaling sa umpisa, pero later on, hindi na. Pero naging consistent siya all throughout these six decades."
Proud nga rin si Dingdong na ninang nila ni Marian Rivera sa kasal si Ate Vi at inspired din daw dito ang kanilang marriage.
Samantala, aminado si Dingdong Dantes na hindi sapat ang kanilang grupong AKTOR PH para maisakatuparan ang lahat ng mga pagbabagong gusto nilang maisagawa sa industriya, kaya nananawagan siya na magkaisa ang lahat ng sektor para sa kanilang layunin na mapabuti ang kalagayan ng movie industry.
Sa tanong naman namin kung kino-consider ba niyang pasukin na rin ang pulitika at magkaroon ng posisyon tulad ng pagka-senador na dating iniaalok sa kanya nang sa gayon ay mas malawak ang kanyang magawa, diretsong sagot ng AKTOR PH head, "Right now, I'm committed to AKTOR. Nandito talaga 'yung dedication ko in the next 3 yrs., ang aking trabaho sa GMA, 'yung pagiging Navy Reservist ko rin. Du'n nakatutok lahat ng efforts ko ngayon."
Bukod pa raw diyan ang MOWELFUND, kaya malabo talagang pasukin niya ang pulitika na tinanggihan na rin niya nu'ng una siyang alukin dahil nabuntis naman si Marian.
Natanong din namin si Dingdong kung napag-usapan ba nila ni Ate Vi ang pagsasama sa pelikula since never pa silang nagkatrabaho.
Aniya, "Siyempre naman. Alam mo, nakakapagtaka kasi 'di ko pa siya nakakasama sa pelikula, pero bakit parang nakasama ko na siya forever? Ganu'n ang pakiramdam. So, that's a dream."
So, kung magsasama man daw sila, baka raw sa drama.
'Yun nga lang, hindi pa natin 'yan maaasahan this year dahil pareho pa silang busy ni Ate Vi sa kani-kanya nilang pelikula.
May ginawa si Dingdong kasama si Ms. Charo Santos pero hindi raw ito entry sa MMFF.
Si Ate Vi naman, ang huling balita namin ay inalok ng Mentorque Productions ni Sir Bryan Dy ng movie na ididirek nina Antoinette Jadaone at Dan Villegas pero wala pang update kung ano na ang napagkasunduan.
Basta sa ngayon, positibo ang AKTOR PH at ang lahat ng supporters ni Ate Vi na bibigyang halaga ng NCCA ang lahat ng body of works ni Ate Vi na isinumite nila para kilalaning National Artist for Film and Broadcast ang nag-iisang Star for All Seasons.