ni Janiz Navida @Showbiz Special | August 1, 2024
Bonggacious ang ginanap na grand launching ng bagong branch ng Charm by Dr. Joel Lopez MD sa bagong mall sa Greenhills, San Juan kahapon.
Nakita naming dumalo sa event sina Ms. Cory Quirino at Carmi Martin. Hinanap naman namin ang pagdating ni John Arcilla na isa rin sa mga suki ng Charm pero hindi ito nakarating.
Pero ang mayor at vice-mayor ng San Juan na sina Mayor Francis Zamora at VM Angelo Agcaoili ay personal na dumating para makiisa sa pagbubukas ng bagong branch ng medical skin and body clinic sa naturang mall.
After ng launching ng Charm, kinorner ng press at mga vloggers si Mayor Zamora dahil na rin sa pagiging controversial lately ng kanyang anak na si Amanda Zamora na minsan na ring naging PBB housemate at isa palang Star Magic talent.
May nag-viral kasing picture kamakailan sa social media kung saan makikitang naglalakad sa isang mall at magkaakbay pa sina Daniel at Amanda.
Kaya naman, hindi na namin pinalagpas na tanungin mismo si Mayor Zamora tungkol dito nang sa ganu'n ay malinawan na rin ang totoong kuwento sa nag-viral na picture.
Game na game namang sumagot si Mayor Francis Zamora at diretsahang in-address ang issue.
"Alam n'yo siguro, sige, banggitin ko na rin po 'yan. Yes, ang aking anak nga po ay nali-link kay Daniel Padilla. So, bilang isang ama, gusto ko pong sabihin sa inyo na hindi po totoo 'yan.
"My daughter has been single all her life. Kahit 'di kayo maniwala, alam ko ho 'yan."
Idiniin pa ni Mayor Zamora na focused daw sa pag-aaral ang 23-anyos niyang anak na kasalukuyang nasa America at naghahanda na para sa pagsisimula nito ng masteral in Marketing Intelligence sa September.
Bagama't inamin ni Mayor Francis na sila ni Daniel ang matalik na magkaibigan dahil since 2017 ay magkasosyo na raw sila sa negosyong District 8 kasama sina Vice Ganda, James Yap, Marc Pingris at iba pa.
Tinanong din namin si Mayor Francis kung magkaibigan din ba sina Daniel at Amanda para sila ma-link at makitang nag-malling, pero diretsong sinabi niya na hindi friends ang dalawa at in fact, ang sister ni Daniel na si Magui ang kaibigan ni Amanda.
Ilang beses inulit sa amin ni Mayor Francis na naniniwala siyang walang relasyon ang dalawa at kung hindi raw edited ang nag-viral na photo nina Daniel at Amanda, baka na-AI raw ito.
Kaya sana raw, tigilan na ang pagdawit sa kanyang anak kay Daniel Padilla dahil heto nga't tinapos na niya ang isyu at siya na mismo ang nagsabing walang relasyon ang dalawa at hindi si Amanda ang girl na ipinalit ni Daniel kay Kathryn Bernardo.
Samantala, inaabangan din sana namin ang pagdating ni Ms. Korina Sanchez sa launch kahapon ng Charm by Dr. Joel Lopez MD, Center for Healthy Aging and Regenerative Medicine, sa Greenhills dahil we heard na isa rin si Ate Koring sa mga suki ng aesthetics clinic na pag-aari ni Dr. Joel Lopez.
First time naming na-meet at na-interview si Dr. Joel at aniya, bukod sa kanyang clinic sa Greenhills, may mga una na pala siyang branches sa USA at dito sa atin like sa San Fernando, La Union.
At take note kung sino lang naman ang kanyang international model for Charm, no other than Channing Tatum!
Sa mga locals naman, suki raw niya sina Mark Rivera, Kata Inocencio, Pinky Webb, Cheryl Cosim at Korina Sanchez at John Arcilla.
Pero siyempre, hindi niya puwedeng sabihin kung anong klaseng services ang ginagawa sa mga naturang celebs, na kung bakit pabalik-balik sa kanyang center, eh, kayo na ang tumuklas, haha!
Basta ang masasabi ni Doc Joel, ang paraan ng pagpapaganda nila sa Charm by Joel Lopez MD ay hindi lang sa labas kundi dapat ay magsimula rin sa panloob nating katawan kaya ang treatment ay labas at loob, 'yun na!