ni Janiz Navida - @Showbiz Special | May 6, 2022
Hindi lang si Jodi Santamaria ang lantaran na ngayon sa pagsuporta at pangangampanya sa mga kandidatong bet niya para sa 2022 elections. Maging ang Ultimate Crush ng Bayan na si Piolo Pascual na dating tahimik lang at hindi nakikigulo sa pulitika, nakakagulat na ngayon ay very vocal na rin sa kanyang pagiging Kakampink.
Aminado si Piolo na kapag nahaharap sa isyu o intriga, mas pinipili niyang manahimik kesa direkta itong sagutin.
“Bilang artista, sanay na akong pukpukin ng kung anu-anong issue. May mga pagkakataon na kailangang i-address ang isang bagay pero mas madalas, pinipili kong tumahimik,” wika ni Piolo sa isang video kung saan inulit niya ang suporta kay Vice-President Leni Robredo bilang susunod na pangulo ng bansa.
Ganito rin ang trato ni Piolo sa mga isyung pulitika, kung saan mas gusto pa niyang tahimik na magmatyag kaysa maglabas ng saloobin sa takot na baka mabatikos.
“Naisip ko, masyado nang magulo ang mundo para makidagdag pa sa samu't saring ingay. At hindi ko rin alam kung nararapat ba akong pakinggan. Hindi naman ako eksperto sa pulitika,” paliwanag niya.
Ngunit ngayong nakataya ang kinabukasan ng bansa sa Mayo 9, sinabi ni Piolo na hindi na siya dapat manahimik.
“Ang pananahimik sa ganitong panahon ay pagkampi sa mga puwersang nagpapahirap sa maraming Pilipino. Sa mga nakaraang araw, palakas nang palakas ang sigaw. Hindi na ito kayang isawalang-bahala ng bawat Pilipinong nagmamahal sa bayan,” ani Pascual.
“Bulong na ngayo'y isang malakas na ring sigaw, si Leni Robredo ang pangulo ko. Abogada, ekonomista, tapat, at walang bahid ng corruption,” dagdag pa niya.
Para matiyak na tama ang kanyang desisyong suportahan si VP Leni, sinabi ni Piolo na siya’y nagsaliksik, nakinig sa ibang tao at binuksan ang isip bago naghayag ng suporta sa bise-presidente.
Gaya ng ibang volunteers, sinabi ni Piolo na tumugon siya sa panawagan ni VP Leni na tumayo at ipaglaban ang bansa at kapakanan ng taumbayan, lalo na iyong mga nangangailangan.