top of page
Search

ni Janiz Navida - @Showbiz Special | May 12, 2022



Habang tahimik pa ang Megastar na si Sharon Cuneta at inaabangan ang kanyang reaksiyon kaugnay ng katatapos na Halalan 2022, ang kanilang panganay na anak naman ni Sen. Kiko Pangilinan na si Frankie "Kakie" Pangilinan ang nag-iingay ngayon at paboritong 'pulutan' sa socmed ng mga netizens.


Ito'y kaugnay ng pagra-rally ni Kakie sa Comelec at pagbibigay ng maaanghang na pahayag bilang protesta sa resulta ng bilangan sa nakaraang halalan.


Ilan sa mga linyang binitawan ni Kakie sa kanyang panayam ay ang sumusunod…


"Sabi ng iba, we have to accept defeat daw, na hindi raw tayo marunong matalo.


"I think that the truth is it's not about the election anymore, eh. I think that the data shows clearly that this election was bought a long, long time ago. And that's something that we will not take sitting down, 'no?" prangka at matapang na pahayag ni Kakie.


Tahasang pahayag pa nito, "I am not going to have my president be named Ferdinand Marcos again, ever."


Kaya naman, nagpiyesta uli ang mga bashers ni Kakie sa pagbanat sa kanya.


Ang masaklap, imbes na sumentro lang sa kanyang naging pahayag, naging personal pa ang banat ng ilang BBM supporters at tinawag siyang "ampalaya" at "pangit na anak ni Mega". Awww!


Meron namang netizen na nag-reply sa kanya sa Twitter ng ganito, "Who are you? We're part of the 30 million for BBM. He is accepted by the majority. If you don't like him & cannot accept defeat, go to the moon. As for your father who kept crying, it doesn't work anymore. We have to change mga trapong inaamag, nagpabundat lang. - DJ to Kakie Pangilinan"


Kalowkah!!! Bigla tuloy nalipat ang galit ng mga BBM supporters kay Kakie Pangilinan.


 
 

ni Janiz Navida - @Showbiz Special | May 11, 2022



Inaabangan na ng marami ang reaksiyon at saloobin ng Megastar na si Sharon Cuneta kaugnay ng nangyaring bilangan pagkatapos ng eleksiyon, kung saan malaki nga ang lamang ng bilang ng boto ng nangungunang si Davao Mayor Sara Duterte kay Sen. Kiko Pangilinan sa pagka-bise-presidente.


Alam naman ng lahat ang effort, pagod, pawis, puyat at lahat-lahat na ng ginawa ni Megastar sa kampanya para sa kanyang mister at sa ka-tandem nito sa pagka-pangulo na si VP Leni Robredo.


And yet, sabi nga sa kanta, "I did my best but I guess my best wasn't good enough."


Pero kung si Ate Shawie ay tahimik pa sa kanyang FB, Instagram at Twitter account kaugnay ng nangyaring bilangan, ang kanyang mister na si Sen. Kiko ay nag-post na sa kanyang Facebook account ng mahabang official statement.


Dated May 10, 2022, ito ang nilalaman ng FB post ni Sen. Kiko:


"Nakikiisa tayo sa pahayag ni Vice-President Leni.

Hindi pa tapos ang bilangan. Sa ilang mga presinto, hindi pa tapos ang botohan. May mga tanong tungkol sa proseso na hindi pa nasasagot.

Hindi pa tapos ang ating gawain.

Bukas, paggising natin at sa susunod na mga umaga, mahirap pa rin ang ating mga magsasaka at mangingisda.

Hindi pa rin makakapangisda sa sarili nating karagatan ang ating mga mandaragat. Ipagtatabuyan pa rin ng China.

Hindi pa rin maibabalik ang ninakaw ng Pharmally. Patuloy pa rin ang smuggling ng gulay. Mataas pa rin ang presyo ng pagkain. Marami pa rin ang gutom.

Hindi pa tapos ang laban.

At dala nating sandata sa laban bukas: ang walang katulad na ginising nating kilusan.

Ang kilusan ng bolunterismo, ng bayanihan, ng pakikipagkapwa, ipagpatuloy natin.

Ipagpatuloy natin ang mga naumpisahan para iangat ang buhay at kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda, at ng lahat ng nasa laylayan – kahanay man o hindi.

Ngayon at sa mga susunod na bukas, mas kakailanganin natin ang ginising nating radikal na pagmamahal para sa kapwa Pilipino.

Malaki at masayang apoy ng pagmamahal ang pag-uumpisahan natin.

Sa lahat ng bahagi ng Pilipinas, nakapagtanim tayo ng malulusog na binhi ng pag-asa.

Kailangan nating alagaan. Tuloy nating ipaglaban ang mahal natin. Samahan ninyo ako. Samahan ninyo kami ni VP Leni.

Magwawagi rin ang katotohanan. Magwawagi rin tayo.

Aani rin tayo. Hindi natutulog ang Diyos.

Manalig tayo na sa huli, pagmamahal ang magtatagumpay.


Oh, ha?! Ang lalim ng hugot ni Sen. Kiko, 'di ba?


 
 

ni Janiz Navida - @Showbiz Special | May 7, 2022



Ginulat ng aktres-entrepreneur at tinanghal na Miss International 1979 na si Ms. Melanie Marquez ang entertainment press sa announcement niya sa ipinatawag na press interview kahapon na pinasok na rin niya ang pulitika at ngayon ay tumatakbo bilang 4th nominee ng LBP (Lingkod Bayanihan Partylist) kasama ang ilang retired generals.


Para kay Melanie, hindi naman pagiging pulitiko ang pagiging partylist representative dahil mas gusto niyang isiping extension lang ito ng kanyang advocacy na pagtulong sa mga batang may cleft palate at iba pang malubhang karamdaman bilang dati na siyang tumutulong sa Unicef.


Two decades na raw niyang ginagawa ang pagtulong na galing sa sariling bulsa ang kanyang ginagastos. Pero dahil sa suggestion ng mga kaibigan niyang retired generals na mas marami siyang matutulungan kapag nag-partylist siya ay napapayag na rin si Melanie.


Actually, hindi nga rin daw alam ng kanyang Kuya Joey Marquez ang desisyon niyang ito, although hindi naman daw ito biglaan at matagal din niyang pinag-isipan. Ang gusto lang daw niya ay sigurado muna bago niya i-announce kaya ngayon nga lang niya ipinaalam sa lahat.


Suportado naman daw ng kanyang mga anak ang pagtakbo niyang partylist representative ng LBP na No. 170 sa balota.


At sabi pa ni Ms. Melanie, kung sakaling palarin silang makapasok sa Kongreso, itutuloy pa rin naman niya ang kanyang pag-arte.


Natanong namin siya kung handa na ba siyang ma-bash at kuwestiyunin ang kanyang kredibilidad at edukasyon dahil first time nga niya sa pulitika.


Sagot ng dating beauty queen-actress, galing siya sa pamilya ng mga pulitiko tulad ng kanyang Kuya Joey Marquez na dating Parañaque mayor kaya hindi na bago sa kanya ang pulitika.


Marami na rin naman daw siyang napatunayan at isa na nga rito ang pagbibigay ng karangalan sa bansa nang tanghalin siyang Miss International 1979.


Samantala, speaking of beauty pageants, nahingi namin ang reaksiyon ni Ms. Melanie sa isyung retokado na raw ang karamihan sa mga beauty contestants ngayon, hindi katulad nu'ng panahon niya.


Diretsong sagot niya sa amin, okay lang naman ang mga enhancement at natural lang daw 'yun para sa ikagaganda ng mga kandidata as long as makakatulong ito sa kanila.


Pero sa isyung pagsali ng mga transgender sa mga beauty pageant para sa kababaihan, du'n hindi pabor si Melanie at sabi niya, dapat ay magkaroon ng sariling beauty contest ang mga trans.


Oh, ha? Coming from a beauty queen na 'yan!


Well, let's see kung papalarin ngang pumasok ang LBP Partylist at si Ms. Melanie Marquez sa Kongreso sa araw ng halalan sa Lunes.


 

Nagnasanib-puwersa sa kanilang kampanya ang tatlong senatorial candidates na may iisang layunin na makapaglingkod sa sambayanang Pilipino — sina Monsour Del Rosario, Raffy Tulfo at Gen. Guillermo Eleazar, ang tinaguriang mga “Bagong Idol ng Senado."


Dinumog ang tatlong kandidato sa naganap na grand rally nitong May 5 sa Cauayan, Isabela, ang hometown ni Tulfo.


Si Monsour Del Rosario ay siyam na taon nang nasa public service. Matapos lisanin ang showbiz, anim na taon siyang nagsilbing konsehal sa District 1 ng Lungsod ng Makati, hanggang sa maging congressman mula 2016 hanggang 2018.


Sa tatlong taon niya sa Kongreso ay nakapagtala siya ng 292 house bills and resolutions, kabilang na ang Telecommuting Act o mas kilala bilang Work From Home Law na napakinabangan nang husto ng maraming Pilipino nang pumutok ang pandemya noong 2020.


“Si Monsour ay nagbigay ng karangalan sa ating bayan way back in 1988. Olympian siyang maituturing. Bukod pa riyan, siya ay naging miyembro ng 17th Congress so meron siyang karanasan bilang isang legislator,” ayon kay Tulfo.


“Okay ito maging kasama sa Senado. Walang katatakutan pagdating sa tama. 'Pag kami’y nagkasama sa Senado, maaasahan n'yo pong gagawa kami ng maayos na trabaho na walang kinatatakutan – lahat tablado, lahat ng mga loko-loko,” dagdag pa niya.


Sabi naman ni Monsour, “Kung kami ay papalaring makapasok sa Magic 12 ng Senado, excited akong makatrabaho sina Raffy Tulfo at Gen. Guillermo Eleazar na alam kong tapat ang puso at isip para sa pagseserbisyo. Napakarami na nilang natulungan bilang brodkaster at bilang pulis kaya alam ko na mas marami pa silang matutulungan sa Senado.


"Magkakasama naming itutuloy ang mga nasimulan ko noong ako ay nasa Kongreso pa at ipaglalaban namin ang karapatan at kapakanan ng bawat Pilipino. Nagpapasalamat ako sa mga kababayn ni Idol Raffy dito sa Isabela sa inyong mainit na pagtanggap sa Team Monsour,” wika ni Del Rosario sa nakaraang kampanya nila.


Sige nga, abangan natin kung pare-parehong papalaring makapasok ang tatlo sa Senado sa May 9 elections.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page