ni Lolet Abania | February 6, 2021
Nahatulan na ng Sandiganbayan ang negosyanteng si Janet Lim Napoles, dating Cagayan de Oro Representative Constantino Jaraula at tatlong iba pa sa kasong isinampa laban sa kanila na multiple counts of graft at malversation na may kaugnayan sa P10-billion pork barrel scam.
Sa isang 103-pahinang desisyon, pinagtibay ng anti-graft court na sina Napoles, Jaraula at tatlong iba pa ay napatunayang nagkasala ng three counts ng graft at three counts ng malversation charges dahil sa pambubulsa ng tinatayang P19.2 milyon ng Priority Development Assistance Fund na alokasyon ng mga mambabatas, o tinatawag na pork barrel – isang budget provision na kinakailangang mapunta at mabenepisyuhan ang mga district constituents sa ilalim ng batas.
Ayon sa anti-graft court, ginamit ng mga akusado ang state-run na Technology Resource Center (TRC) at ang Napoles-owned Countrywide Agri and Rural Economic Development (CARED) Foundation upang makuha ang pondong ito ng gobyerno.
Sina Napoles, Jaraula at ang mga TRC officials na sina Rosalinda Lacsamana, Belinda Concepcion at Mylene Incarnation ay sinentensiyahan na makulong ng anim hanggang 10 taon bawat isa ng kani-kanilang graft convictions.
Hinatulan din sila ng pagkakabilanggo ng 12 hanggang 18 taon para sa bawat count ng malversation conviction. Inatasan din ng Anti-graft Court sina Napoles, Jaraula at tatlong iba pa ng pagbabayad sa gobyerno ng tinatayang P56 milyon.
Subalit si Jaraula ang nag-iisang akusado na na-convict ng three counts ng direct bribery charges matapos makatanggap ng P2 milyong suhol mula kay Napoles. Dahil dito, ipinag-utos ng Sandiganbayan kay Jaraula na ibalik ang P6 milyon sa gobyerno o P2 milyon para sa bawat isang count ng direct bribery conviction.
Matatandaang si Napoles ay nahatulan na ng plunder noong December, 2018, na may kaugnayan din sa P10-billion pork barrel scam.
Kasalukuyan siyang nakadetine sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City. Bago pa ang plunder conviction, si Napoles ay napatunayang guilty sa kasong serious illegal detention sa kanyang distant relative na si Benhur Luy noong 2015.
Si Luy ang naging main whistleblower sa P10-billion pork barrel scam.