ni Lolet Abania | May 23, 2022
Ibinasura na ng Department of Science and Technology (DOST) ang kanilang clinical trial kaugnay sa paggamit ng antiparasitic drug ivermectin para sa COVID-19.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato dela Peña, nabatid na nahirapan silang kumuha ng ethics clearance hinggil sa pag-aaral nito at nagdesisyon na rin ang Department of Health (DOH) na gamitin ang humigit-kumulang na P48-milyon pondo sa ibang bagay.
“Ang pinaka-final decision namin ang recommendation ng Department of Health kasi sila rin naman ang nagrekomenda ng trials. Sila rin naman ang nag-recommend na itigil ang trials at i-save na lang ang almost P48 million for other purposes,” pahayag ni Dela Peña sa radio interview ngayong Lunes.
Sinabi ni Dela Peña na wala ring bagong impormasyon na available internationally sa ivermectin. “Ang grupo na binuo for our trial ay member din ng international network at ‘yun nga ang kanilang sinasabi, wala pang dumadating na anything that is clear na may benefits sa ivermectin,” saad ng opisyal.
Aniya pa, ilang pasyente ang nagawang lumahok sa clinical trial, habang ang mga suppliers ng ivermectin ay tumatangging makiisa sa pag-aaral kapag nabatid na nila ang kanilang layunin.
“Nahirapan kami kumuha ng supplier ng gamot. ‘Pag nalaman nilang gagamitin sa trial ay umaatras sila. Natatakot siguro sila ang effect ay makasira ang market,” paliwanag ni Dela Peña.