ni Jasmin Joy Evangelista | October 14, 2021
Itinanggi ng kampo ni presidential aspirant Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na may namumuong sigalot sa loob ng kanilang grupo matapos magbitiw ng kanyang chief of staff na si Cesar Chavez at pag-atras ni broadcaster at dating vice president Noli de Castro bilang parte ng Senate slate ng Aksyon Demokratiko.
"Masyado namang ina-angguluhan ng intriga iyong pagbalik sa MBC-DZRH ni Cesar Chavez na hindi lang kaibigan, kundi inaanak ko sa kasal," ani Lito Banayo, campaign manager ni Moreno.
Nauna nang sinabi ni Chavez na nag-resign siya dahil sa health issues at magbabalik na lang muli sa radyo bilang vice president ng Manila Broadcasting Company (MBC).
Si Kabayan Noli naman, sinabing napagtanto niya na mas makatutulong siya sa pagiging parte ng media kaysa sa pagiging senador.
Sinabi naman ni Aksyon Demokratiko chairman Ernest Ramel na huwag maniniwala sa mga espekulasyon ukol sa kanilang partido lalo't posibleng gamitin ito ng kanilang mga katunggali.