ni Eli San Miguel - Trainee @News | December 9, 2023
Magpapatuloy ang mga rescuer sa paghahanap sa nawawalang pasahero ng Piper plane na nag-crash sa Isabela noong Nobyembre 30, ayon sa isang opisyal ngayong Sabado.
Gagamitin nila ang mga K9 tracker upang makatulong sa paghahanap sa pasahero, ayon kay Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Atty. Constante Foronda, sa isang panayam.
Unang inulat na nawawala ang eroplano na may piloto at isang pasahero noong Nobyembre 30.
Umalis ang Piper PA-32-300 ng Fliteline Airways na ino-operate ng Cyclone Airways mula sa Cauayan Airport ng alas-9:39 ng umaga at inaasahang darating sa Palanan Airport alas-10:23 ng umaga noong Nobyembre 30.
Natagpuan ng mga otoridad ang eroplano na may rehistrasyon na RPC 1234 sa kalapit na lugar ng Barangay Casala sa bayan ng San Mariano noong Martes ng umaga, Disyembre 5.
Gayunpaman, tila buhay pa ang babae na pasahero, ayon sa mga otoridad.
"Nakausap namin 'yung mga rescuer na nakaabot mismo doon. Nakabalik na sila sa Cauayan kahapon. Inalam natin kung ano ang nakita nilang proof of life. May gumawa daw ng parang silong, parang trapal na isinabit. Tapos mayroon pang ginawang parang higaan at mayroon pa pong tumbler doon sa may tabi ng mattress na parang ginawa," sabi ni Foronda.
"Proof of life nga po talaga dahil wala talagang gagawa nu'n kundi 'yung pasahero lamang. Uninhabited talaga ito. No one would go there... Bagong gawa ['yung silong at higaan]. Nanggaling du'n sa eroplano ang mga materyales na ginamit," dagdag pa niya at sinasabing natagpuan ang pansamantalang tirahan malapit sa labi ng eroplano.
Sinabi ng Isabela PDRRMO head na papayagan ng mga tagapamahala ang mga K9 tracker na amuyin ang mga damit ng pasahero na nakuha mula sa eroplano na ibinigay din ng pamilya.
"'Yun yung magiging basehan ng scent na ipapaamoy sa mga aso. Talagang trained naman ang mga aso na ganu'n ang gagawin. 'Yung mga natatapakan na trail ng scent na hindi nade-detect ng human olfactory nerves, nasusundan ng mga aso. 'Yun po ang susundan nila,"sabi ni Foronda.
Binigyan ni Governor Rodito Albano ng Isabela ng mga tagubilin ang team na huwag itigil ang mga operasyon sa paghahanap hanggang sa matagpuan ang nawawalang pasahero.
Samantalang sinabi ni Foronda na naibalik ang labi ng piloto na mula sa lugar ng aksidente at ibinigay na sa kanyang asawa.