ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | January 25, 2023
Dear Sister Isabel,
Ang problema ko ay tungkol sa kaibigan ko na nakikitira sa akin, pero parang wala nang balak umalis. Nasarapan na siya rito, eh hindi naman puwedeng permanente siyang tumira rito dahil nakakahiya sa pamilya ko.
Nagkaproblema kasi siya sa pamilya niya, kaya lumayas siya at nakitira sa akin, kaya lang, halos isang taon na siyang nandito at wala pa siyang trabaho. Gayunman, palagi siyang umaalis para maghanap ng trabaho, pero hindi naman siya natatanggap.
Ano ang sasabihin ko sa kanya para kusa siyang umalis dito? Ayaw kong saktan ang damdamin niya dahil best friend ko siya. Nawa’y mapayuhan n’yo ako ng dapat gawin.
Hihintayin ko ang inyong payo.
Nagpapasalamat,
Evelyn ng Malabon City
Sa iyo, Evelyn,
Kausapin mo sa malumanay na salita ang best friend mo at sabihin mo ang nais mong sabihin, na gustuhin mo mang patuluyin siya r’yan nang matagal ay hindi na puwede dahil may pamilya ka na dapat isaalang-alang ang kalagayan.
Gayunman, ipangako mo na tutulungan mo siyang makahanap ng malilipatan. Sa palagay ko naman ay hindi manhid ang kaibigan mo para hindi maramdaman na sobrang haba na ng panahon na nakikitira siya r’yan. Hinihintay lang din siguro niya na sabihin mong nahihiya ka na sa pamilya mo at marahil, akala niya ay payag ang iyong pamilya na permanente na siya r’yan.
Sa ganyang diskarte, mauunawaan ka niya at kusa na siyang magpapaalam. Nawa’y makatagpo siya ng pagkakakitaan at makapamuhay nang maayos kahit nag-iisa. Marami namang ganyan sa kasalukuyan – namumuhay nang may sariling kayod at diskarte, at ayaw na pinakikialaman ng sariling pamilya. Naniniwala ako na kakayanin niya ‘yan.
Pansamantala, alalayan mo siya hanggang makatagpo ng trabaho o anumang pagkakakitaan at tirahan kahit bed space lang. Kung gugustuhin niya, puwedeng-pwuede, ‘di ba?
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo