ni Lolet Abania | December 27, 2020
Binuksan ang isang gate ng Ipo Dam sa Norzagaray, Bulacan nitong Linggo nang hapon matapos magdala ng malakas na pag-ulan ang dalawang low pressure area (LPA), ayon sa PAGASA Hydrometeorology Division Flood Forecasting and Warning Section.
Bukod pa rito, binuksan din ang isang gate ng Angat Dam na matatagpuan din sa Bulacan.
Pinaalalahanan ng PAGASA ang mga residente ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan at Plaridel dahil sa posibilidad na pagbaha sa pagpapakawala ng tubig sa Dam.
Nasa 100.32 meters na ang water level ng Ipo Dam, samantala nasa 213.38 meters naman ang Angat Dam na sumobra na sa spilling level nitong 212 meters.
Ibinahagi ng PAGASA na huling namataan ang 2 LPA sa 40 kilometers east ng Infanta, Quezon at 190 kilometers north-northwest ng Puerto Princesa, Palawan.
Naghahanda na rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council sa posibilidad na pagbaha at pag-landslide sa Luzon dahil sa pag-ulan.