ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 31, 2023
Hinihikayat ng Department of Tourism (DOT) ang mga Pilipino na bumoto para kilalanin ang Intramuros bilang World’s Leading Tourist Attraction sa 2023 World Travel Awards (WTA).
Huling nakuha ng Intramuros ang titulo noong 2020 at kasalukuyang naglalayon na muling makuha ang pagkilala ngayong taon.
“Come together and lend your support as Intramuros once again competes for the World Travel Awards as the world’s leading tourist attraction,” paghihikayat ng DOT.
Maaaring puntahan ng mga boboto ang opisyal na website ng WTA o sa pamamagitan ng pag-scan ng QR code na naka-post sa Facebook account ng DOT.
Bukod sa titulo para sa "World’s Leading Tourist Attraction," nominado rin ang Pilipinas sa mga sumusunod na kategorya:
•World’s Leading Beach Destination
•World’s Leading Dive Destination
•World’s Leading Island Destination
•World’s Leading Tourist Board
“Click on THE PHILIPPINES in each nominated category to show your full love and support until November 17, 2023 [United Kingdom time],” sabi ng DOT.
Itinatag noong 1993 ang WTA bilang isang award-giving body na nakabase sa London. Ipinararangal nito ang kahusayan sa larangan ng turismo sa tatlong antas: pambansa, rehiyonal, at pandaigdig na mga parangal sa iba't ibang mga kategorya.