ni Nitz Miralles @Bida | September 12, 2024
Tuwang-tuwa ang mga fans ni Olivia Rodrigo na magko-concert siya sa Philippine Arena sa October 5, 2024 dahil ang tiket price ay P1,500 lang.
Sa September 14 ang simula ng online sale ng tickets na siguradong dudumugin. Ang over-the-counter sale ay sa September 29 naman.
Ang ticket price na iyon ay para sa lahat ng section sa Philippine Arena, venue ng Olivia Rodrigo Manila Silver Star Show. Nakasulat pa na ang ticket proceeds ay susuporta sa Olivia Rodrigo’s Fund 4 Good na naglalayong suportahan ang education at reproductive rights at maiwasan ang gender-based violence.
Hindi kami sigurado kung mura rin ang tiket sa ibang bansa kung saan magko-concert si Olivia o dito lang sa Pilipinas dahil Fil-Am nga siya, o dahil sa producer ng concert na Live Nation.
Napa-comment tuloy ang ibang concertgoers na puwede naman palang mura ang concert ticket, bakit ang ibang concert ay pagkamamahal?
Sa kabila ng mahal na tiket, marami ang bumibili at laging puno ang venue, lalo na sa mga K-pop concerts. Ibig sabihin, ang daming pera ng mga Pinoy fans.
KINAALIWAN ang video ni Jennica Garcia na dala-dala ang malalaking plastic bags na puno ng paninda para sa kanyang live selling. Nu'ng isang araw ginawa ang live selling sa TikTok ni Jennica at tiyak, sold-out ang mga paninda niya.
Sabi nito, presyong kayang-kaya ang kanyang paninda lalo na’t magaganda ang mga items. May tripod at ibang gadgets, may mga cooking utensils din at may discount pa.
Hindi niya nagagamit ang ibinenta at ang iba, bago pa. Plus, ang nabasa namin, lilipat ng ibang apartment si Jennica, kaya kailangan niyang magbawas ng gamit.
Well, pinuri siya ng mga netizens, hindi raw nahihiyang mag-live selling si Jennica at hindi umaasa sa talent fee (TF) niya sa showbiz. Hindi rin ito umaasa sa mom niyang si Jean Garcia.
May mga nagbiro namang ituloy lang ni Jennica ang pagiging masipag at yayaman siya. Ipagmamalaki rin daw siya ng kanyang mga anak na nakikita ang sipag at hirap niya para lamang mabigyan ng magandang buhay ang mga ito.
KUNG si Jennica Garcia ay nabalita sa pagla-live selling, ang mom naman niyang si Jean Garcia ay naging usap-usapan dahil sa eksena sa Widows’ War (WW) kung saan nakatikim sa kanya ng sunud-sunod na sampal si Brent Valdez.
Anim na sunud-sunod na totoong sampal ang ibinigay ni Jean sa kaeksena at madidinig ang tunog ng sampal.
Sa rehearsal, daya pa ang sampal ni Jean at sabi nito, dadayain niya ang sampal kapag long shot, pero sa actual scene, walang daya sa kanyang pananampal.
Kita na nasaktan si Brent at napa-“Huh!” at pumalakpak. Lumapit si Jean sa kanya, nag-sorry at niyakap siya. Sabi naman ni Brent, honored siya na masampal ni Jean.
Post naman ni Carla Abellana, sa lakas at lutong ng sampal ni Jean, dinig hanggang labas ng mansion. Nagkakagulo raw ang mga present sa taping tuwing sumisigaw ng “Cut!” si Direk Zig.
Balitang mae-extend uli ang WW at ibig sabihin, marami pang masasampal si Jean sa cast na kanyang makakaaway. Sina Carla at Bea Alonzo raw, kailan kaya masasampal ni Jean? Looking forward ang cast.
Ang dami pang mangyayari sa story ng WW. Marami pang inaabangan ang mga viewers at hinihintay pa nila kung kailan magge-guest si Carmina Villarroel.
Request din ng mga fans, mag-guest si Dingdong Dantes na kasama naman sa cast ng Royal Blood (RB). Magkakakonek kasi ang tatlong seryeng ito ng GMA-7.
MAY mga eksena sa Incognito na kukunan sa Matera, Italy. Una nang lumipad pa-Italy si Ian Veneracion, at sumunod na umalis sina Daniel Padilla at Richard Gutierrez noong Tuesday.
Sa El Nido, Palawan kinunan ang first cycle ng taping ng Incognito at second cycle na itong sa Italy. Marami pa raw locations ang series na malapit na ang airing.
Excited na lalo ang mga fans ni Daniel dahil first action-packed series niya ito at kanya namang pinaghandaan. Maaalalang nag-training siya sa boxing, target shooting at nag-workout.
Hindi mami-miss ng kanyang mga fans si Daniel habang nasa Italy ito dahil nakataas ang marami niyang billboard sa kahabaan ng EDSA para sa ine-endorse na Jag Jeans. Pati sa ibang parte ng Metro Manila, may billboard din si Daniel Padilla.