top of page
Search

ni Lolet Abania | July 16, 2021


Naglabas ang Malacañang ngayong Biyernes ng pinakabagong listahan ng mga bansa at hurisdiksiyon na kinokonsidera bilang low risk sa COVID-19.


Inaprubahan naman ang bagong listahang ito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) nitong Huwebes.


Kabilang sa mga “green” countries at jurisdictions ay Albania, American Samoa, Anguilla, Antigua and Barbuda, Australia, Azerbaijan, Barbados, Benin, Bermuda, The British Virgin Islands, Brunei, Burkina Faso, Cayman Islands, Chad, at China.


Nasa listahan din ang Comoros, Cote d’ Ivoire (Ivory Coast), Curacao, Dominica, Eswatini, Falkland Islands, French Polynesia, Gabon, Gambia, Ghana, Greenland, Grenada, Hong Kong (Special Administrative Region of China), Iceland, Isle of Man, Israel, Laos, Liechtenstein, Mali, Malta, Marshall Islands, Mauritius, Federated States of Micronesia, Montserrat, New Caledonia, at New Zealand.


Aprub din sa IATF sa low risk classification ang Niger, Nigeria, North Macedonia, Northern Mariana Islands, Palau, Romania, Saba (Special Municipality of the Kingdom of Netherlands), Saint Barthelemy, Saint Pierre and Miquelon, Singapore, Saint Eustatius, South Korea, Taiwan, Togo, Turks and Caicos Islands (UK), at Vietnam.


Gayundin, ang mga fully vaccinated na mga pasahero mula sa mga naturang bansa at hurisdiksiyon ay kailangan lamang sumailalim sa 7-araw na facility-based quarantine kapag dumating na sa bansa.


Sa ilalim ng protocol, ang mga fully vaccinated na biyahero ay kailangang i-test para sa COVID-19 na gagawain sa ika-5 araw ng kanyang quarantine.


Kapag ang resulta ng kanyang RT-PCR test ay negatibo, kukumpletuhin ng nasabing indibidwal ang kanyang facility-based quarantine, subalit kung magpositibo sa COVID-19, ang biyahero ay dapat nang sumunod sa prescribed isolation protocols.


Itinakda ang guidelines na ito para sa mga indibidwal na vaccinated abroad na eksklusibong nananatili sa alinmang nabanggit na lugar sa loob ng nakalipas na 14 na araw bago ang kanilang pagdating, gayundin ang mga nabakunahan sa Pilipinas maliban sa kanilang travel history.


 
 

ni Lolet Abania | July 15, 2021


Pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) ang posibleng pagba-ban sa mga biyahero mula sa Malaysia at Thailand dahil sa panganib na idudulot ng mas transmissible na Delta variant sa bansa, ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III.


Gayunman, tiniyak ni Duque sa publiko na patuloy na minomonitor ng DOH Epidemiology Bureau ang COVID-19 outbreak sa iba pang mga bansa.


“Tinitingnan natin ang Malaysia, isa-isahin natin. Tinitingnan din natin ang Thailand kung saan merong parang hindi na mapigilan ang pag-angat ng Delta variant cases. ‘Yan ang ating binabantayan,” ani Duque sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes.


“Pinag-aaralan na rin po ‘yan ng Epidemiology Bureau ng DOH at posible na magbigay ng rekomendasyon para sa IATF kung hahabaan ba ang listahan ng mga travel ban sa mga bansa,” dagdag niya.


Pinagtutuunan na rin ito ng pansin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) para hindi na lumala pa ang pandemya ng COVID-19 sa bansa.


Sa hiwalay na Palace briefing, sinabi ni DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman na nakapagtala ang Malaysia ng record-high na 11,618 bagong COVID-19 cases nitong Miyerkules, kung saan may kaso ng Delta variant sa bawat bayan nito.


Ayon kay De Guzman, ang naturang variant ay kumalat na sa tinatayang 98 mga bansa simula nang ito ay unang matukoy noong December, 2020.


Subalit, giit ni De Guzman, ang dalawang doses ng COVID-19 vaccine ay nananatiling epektibo laban sa Delta variant.


Samantala, isinama na ng IATF ang Indonesia sa listahan ng mga bansa na isinailalim sa temporary travel ban.


Ipinagbabawal ang mga biyahero na nanggaling sa Indonesia, India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, at Oman na epektibo hanggang July 31.


Nakapagtala naman ng 19 kaso na Delta variant sa bansa nitong July 4, kung saan lahat ay pawang mga returning overseas Filipinos.


 
 

ni Lolet Abania | June 28, 2021



Pinag-aaralan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagluluwag sa mga travel restrictions para sa mga indibidwal na fully vaccinated kontra-COVID-19.


Ayon kay Department of Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, makikipagpulong sila sa IATF ngayong Lunes upang talakayin ang posibilidad na i-waive na ang mga swab test results ng mga biyahero na nakatanggap na ng dalawang doses ng COVID-19 vaccines.


“May IATF meeting kami this afternoon, ang pinag-uusapan kung paano, let’s say kung fully vaccinated naman, baka hindi na kailangan mag-RT-PCR, pero ‘yun ay pinag-uusapan,” ani Puyat sa Laging Handa virtual briefing.


Matatandaang pinayagan ng gobyerno ang leisure travel para sa lahat ng edad mula sa NCR Plus bubble gaya ng Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan, sa mga tourist destinations sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).


Kinakailangan na magpakita ang mga travelers na below 18-anyos at mga edad 65 pataas ng negative RT-PCR test result para sa lahat ng tourist destinations na kanilang pupuntahan, kung saan requirement din ito sa lahat ng turista sa ilang lokal na pamahalaan.


Binanggit naman ni Puyat kamakailan na pinaplano rin nila na ang quarantine ay hindi na i-require sa mga turistang fully vaccinated sa mga susunod na buwan.


Samantala, pinalawig na rin ng DOT ang kanilang subsidy program, kung saan sinasagot nila ang 50% ng RT-PCR tests ng mga kuwalipikadong turista sa pakikipagtulungan ng Philippine Children’s Medical Center at ng Philippine General Hospital.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page