ni Dominic Santos (OJT) @Life | Feb. 25, 2025
Ano ang mukha ng rebolusyon sa kasalukuyang panahon? Sa patuloy na pag-angat ng teknolohiya, nagbabago rin kung paano natin ipinapakita ang pakikibaka sa mga problema ng lipunan. File / Imagery
Higit tatlong dekada na mula nang maganap ang pinakamakasaysayang rebolusyon sa bansa na nagbalik ng boses sa mga Pilipino at nagpatalsik sa rehimeng nang-abuso sa karapatang pantao dulot ng Martial Law.
Tatlong dekada na rin mula nang magkaisa ang bawat Pilipino na bawiin ang demokrasya para sa sinisinta nating bansa na siya namang pinag-usapan at nasaksihan ng buong mundo.
Nagbigay din ito sa atin ng mas masidhing pagmamahal sa sariling bayan, na sinubukang gayahin ng iba pang mga bansa upang ipakita ang lakas ng tunay na demokrasya.
Kagaya ng katagang, ‘ang nagmamahal, ipinaglalaban ang minamahal’, ipinamalas nating mga Pinoy na sa pamamagitan ng dasal at rosaryo na tanging sandata laban sa mga armado ay ating kinaya na makalaya mula sa mga kamay na bakal noong EDSA People Power Revolution.
Sabi nga ni Heneral Luna, “Malaking trabaho ang ipagkaisa ang bansang watak-watak” ngunit pinatunayan ng mga Pilipino, na noon pa man hindi hadlang ang pagkakaiba para sa isang hangaring magbibigay ng totoong pagbabago sa atin at sa bayan.
Pero, ano ba ang mukha ng rebolusyon sa kasalukuyang panahon? Sa patuloy na pag-angat ng teknolohiya sa kasalukuyan, nagbabago rin kung paano natin ipinapakita ang pakikibaka sa mga problema ng lipunan.
Dahil taliwas sa paglabas sa kalsada, kagaya ng mga Pilipino noong EDSA Revolution, mas binibigyan na natin ng pansin ang mga isyu ng bansa ngayon sa paggamit ng teknolohiya.
Noon, ang mga pamamahayag at sining ay nagtatampok sa mga aral ng rebolusyon, kumpara ngayon ay ginagamit ang makabagong teknolohiya bilang laman ng mga pahayag at pananaw ukol sa kalayaan at katarungan habang nag-uugnay din sa uri ng nakaraang rebolusyon at sa kasalukuyan.
Ipinamamalas din natin ang pakikibaka sa pamamagitan ng pagtindig sa mga katiwalian gamit ang ating mga tinig sa mundo ng digital, mga boses na patuloy na nakikipaglaban sa tulong ng social media at hindi pumapayag na baguhin ang ating kasaysayan bilang isang bayan, kasabay ng pagdaing sa mga pangangailangang nais nating matugunan na tanging solusyon ay bayanihan, na hindi kailanman mamamatay sa kabila ng makabagong lipunan.
Tunay na iba na ang panahon noon at ngayon sa kung paano natin ipinapakita ang rebolusyon, subalit sa kabila ng pagkakaiba ay natututunan din natin na ilantad ang katagang binitawan ng Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal na, “to those who deny us our patriotism, we know how to die for our country and convictions.”
Nawa’y patuloy nating gunitain ang kabayanihang ipinakita ng ating mga kapwa Pilipino noong People Power Revolution at huwag nating kalimutan ang ganitong uri ng pagmamahal sa bayan kaagapay ng makabagong panahon, sapagkat kagaya noong EDSA ay nananatili tayong pag-asa nito at kailanma’y hindi pasisiil sa kahit sinong manlulupig.