ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 15, 2021
Sinusubaybayan ng Department of Health (DOH) ang health status ng 41 pasahero na nakasabay sa biyahe ng dalawang nagpositibo sa B.1.617.2 COVID-19 variant.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang unang Indian variant case ay nagkaroon ng 6 close contacts at 35 naman ang naging close contacts ng pangalawa sa biyahe.
Pahayag ni Vergeire, “Tine-trace na natin itong mga kababayan natin na nakasama sa eroplano. We are tracing all of them and check all of their statuses.”
Ayon sa DOH, ang isa sa 2 kaso ng Indian variant ay 37-anyos na returning overseas Filipino (ROF) mula sa Oman na dumating sa bansa noong April 10.
Ang pangalawa naman ay 58-anyos na ROF mula sa UAE na dumating sa bansa noong April 29.
Samantala, pinalawig pa ng bansa ang travel ban at ipinagbawal din ang pagpasok ng mga biyahero mula sa Oman at UAE hanggang sa May 31, ayon sa Malacañang.
Pahayag pa ng Palasyo, "All existing travel restrictions of passengers coming from India, Pakistan, Nepal, Bangladesh and Sri Lanka are extended until May 31, 2021.”