ni Jasmin Joy Evangelista | November 25, 2021
Isinisisi sa isang kasalan ang pagkamatay ng 63 manok sa India.
Ayon kay Ranjit Kumar Parida, may-ari ng isang poultry farm sa Odisha sa India, nagdulot ng nakabibinging ingay ang paradang dumaan sa kanyang farm bago magmadaling araw nitong Linggo.
Sinabihan niya umano ang banda na hinaan ang patugtog dahil natatakot ang kanyang mga alagang manok, ngunit hindi siya pinakinggan at sinigawan pa ng mga kaibigan ng lalaking ikakasal.
Ayon sa propesor na si Suryakanta Mishra, na may akda tungkol sa animal behavior, sa Hindustan Times, na nagiging sanhi ng cardiovascular disease sa mga ibon ang malakas na tunog at ingay at nakaaapekto sa circadian rhythm at biological clock ng mga manok ang pagkagulat at stress dahil sa malakas na ingay.
Namatay umano sa atake sa puso ang mga manok, ayon sa isang beterinaryo.
Nagsampa na ng reklamo sa pulisya si Parida matapos tumangging magbayad ng danyos ng mga nag-organisa ng nasabing kasal ngunit kalaunan ay binawi rin ang reklamo.