ni Mai Ancheta @Overseas | June 4, 2023
Halos 300 katao ang nasawi matapos ang malagim na salpukan ng tatlong tren sa Lungsod ng Balasore, Eastern Odisha state sa India.
Sa ngayon ay nakapagtala na ang mga otoridad ng 288 na kumpirmadong nasawi sa trahedya at inaasahang tataas pa ito, habang mahigit 1,000 ang nasugatan.
Dalawang pampasaherong train at isang freight train ang nasangkot sa insidente nitong Biyernes.
Nagpapatuloy ang search and rescue operations sa mga biktima na pinaniniwalaang na-trap sa mga bagon ng train.
Halos panghinaan na rin ng loob ang hepe ng Fire Services ng Odisha state na si Sudhanshu Sarangi dahil sa dami ng mga naapektuhan ng trahedya.
"We are not very hopeful of rescuing anyone alive," ani Sarangi.
Hindi pa matukoy ng mga otoridad ang ugat ng salpukan ng tatlong train at nagsasagawa na umano ng malalimang imbestigasyon batay sa direktiba ng Railway
Minister ng India.
Sa nakuhang video footage sa crash site, nagkalat ang bangkay ng mga biktima sa loob ng mga wasak-wasak na bagon, at inaalalayan ng mga otoridad ang mga nakaligtas na biktima.
Nagkalat din ang mga personal na kagamitan ng maraming pasahero sa pinangyarihan ng insidente.