ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 27, 2021
Magpapatupad na ng travel ban sa bansa sa mga galing sa India simula sa April 29 hanggang May 14 dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19, ayon sa Malacañang ngayong Martes.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sakop din sa naturang restriksiyon ang mga Pinoy na manggagaling sa India at ang mga mayroong travel history sa naturang bansa sa loob ng 14 na araw.
Pahayag ni Roque, “Inaprubahan ng ating Presidente ang rekomendasyon ng IATF na i-ban ang lahat ng pasahero, kasama ang mga Pilipino na galing sa India.”
Hindi naman umano kasama sa travel ban ang mga pasahero na nakalabas na sa India at ang mga mayroong travel history sa nasabing bansa na dumating sa Pilipinas bago mag-April 29.