ni Mylene Alfonso | June 13, 2023
Hindi na kailanman magpapasakop at hindi na magiging sunud-sunuran sa anumang panlabas na puwersa ang Pilipinas.
Ito ang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa kanyang unang Independence speech sa isinagawang pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
"The heroes of our liberation would be proud to know that we have thrown off the ‘ominous yoke of domination’; never again to be subservient to any external force that directs or determines our destiny," diin ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Kaugnay sa binanggit nitong Philippine Development Plan, sinabi ni Marcos na sisikapin ng gobyerno na makamit ang kalayaan mula sa gutom, kapabayaan, at takot.
Kasabay nito, nanawagan din ang Pangulo sa mga mamamayan na suportahan ang malaya at independiyenteng Republika.
Una rito, alas-8 ng umaga nang dumating ang Pangulo para sa Flag Raising at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Rizal Park, Maynila kung saan muntik nang maudlot ang bahagi ng nasabing programa dahil sa malakas na buhos ng ulan.