top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | August 18, 2021



Nakadidismaya ang sinapit ng ilan nating OFWs na pa-Hong Kong. Kung tutuusin, punumpuno na sana sila ng pag-asa na makapagtatrabaho at makakaalis na agad sa gitna ng pandemyang puro na lang pagsubok at hirap sa buhay.


Pero biglang naudlot ang pag-asa nilang makaalis nang tanggihan ng Hong Kong ang kanilang vaccination cards. Hay naku! Masaklap talaga, biruin n’yo naman, sinikap nilang makumpleto ang lahat ng requirements, kahit pa ipangutang nila para lang makaalis at makatrabaho sa HK, pero sa sinamang-palad, bulilyaso!


Eh, bakit ba naman kasi, hindi naagapan na malamang ang kailangan pala ng HK, eh, ‘yung uniform o hindi paiba-ibang vaccination cards! Santisima, na-delay tuloy ang kanilang pag-alis.


Magkakaiba talaga ang bawat bansa sa kani-kanilang panuntunan, lalo na sa uri ng bakuna laban sa COVID-19. Hindi naman natin puwedeng palagan ‘yun dahil ‘yun ang patakaran ng kanilang bansa. Ang kailangan nating gawin, eh, sundin talaga ang kanilang mga requirements.


At IMEEsolusyon d’yan ay gawin na ASAP ang uniform o iisang vaccination card na galing sa gobyerno. Papalitan nito ang mga iba’t ibang iniisyu ng napakaraming local government units. Para mapa-Hong Kong man ‘yan o iba pang bansa, eh, preparado na ang ating OFWs at maiiwasang ma-reject ang kanilang entry sa iba’t ibang bansa.

Remember din na kung walang klaro at komprehensibong database o kalalagyan ng impormasyon, magdudulot ito ng kalituhan sa mga OFW.


Umaapela tayo sa Department of Information and Communication Technology o DICT at DOH na paspasan ang paggawa ng uniform vaccination cards. Balita natin inaayos na, pero siguraduhin nilang bibilisan nila ang pagre-release nito para hindi naman matengga ng matagal sa pag-alis ang mga OFW.


‘Wag na nating paghintayin pa ang ating OFWs, wag nang magpatumpik-tumpik pa. Kilos na, para naman magkaroon na rin sila ng kaunting pag-asa na paunti-unting maka-ahon sa paghihirap na dulot ng pandemya. Plis lang!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | August 13, 2021



Malaki ang banta ngayon ng Delta variant sa ating bansa, kaya naman inilagay sa ECQ ang Metro Manila at may posibilidad pang palawigin ito ayon na rin sa Department of Health. Nakakatakot!


At sa harap nga niyan, patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19, at pinakamalaking naitala, eh, nitong Miyerkules na pumalo na sa 12,021 sa loob lang ng isang araw. Que horror!


Hindi malayong mas tumaas pa ang COVID-19 cases kaya marami na ring mga ospital ang puno, kasama na ang mga ospital sa Visayas at Mindanao na lumolobo na rin ang mga kaso ng mga tinamaan ng virus.


Dahil dito, nangangailangan ang mga ospital ng karagdagang hospital beds, mga oxygen tanks, PPEs at dagdag na mga nurses at hospital staff o healthcare workers. Pero limitado na at napakanipis na ng kanilang mga pondo. Eh, bakit kamo?


Numinipis ang pondo ng mga ospital dahil sa patuloy na hindi pagbabayad ng buo sa kanila ng PhilHealth. Eh, ang tanong, bakit matagal nang panahon, bigo pa rin ang ahensiya na magbayad ng buo?


Nagtataka naman tayo sa PhilHealth, sabi ng sabi na mayroon silang pera mula sa gobyerno, pati koleksiyon at buo rin daw ang kanilang reserve fund na P220 billion. Ano ang mga 'yan, press release lang? Ano ba?!


Kung patuloy na dededmahin ng PhilHealth ang responsibilidad nito sa mga ospital at pautay-utay pa rin ang gagawin ninyong pagbabayad gayung may pondo naman, IMEEsolusyon nating pananagutin kayo sa Senado. Pababalikin natin sila roon at tilad-tilarin natin ang detalye ng mga utang na hindi bayad.


Bubusisiin natin bawat sentimo bakit hindi pa rin nababayaran ang mga utang sa mga ospital gayung sila mismo ang nagdeklarang may pera naman kayo. Ano ba?! Plis naman, buhay ng bawat Pinoy ang nakasalalay sa hindi ninyo pagbabayad. Bakit hindi n'yo kayang bayaran ng buo gayung meron namang pondo? Aber, pakipaliwanag nga?

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | August 12, 2021



Lockdown na naman tayo. Alam naman nating maganda ang purpose nito laban sa banta ng Delta variant. Pero tulad ng dati, epekto rin nito ang dagdag-pahirap sa bulsa ng ating mga kababayan, at puwede ring panibagong kawalan ng trabaho.


At saludo tayo sa pamahalaan dahil nalaanan ng pondo at sinigurong ibibigay na ang cash na ayuda sa ating mga kababayan. Batid naman nating mabilis maubos ang pera kaya pag naubos na ito, balik sa pagiging "nganga" ang ating mga kababayan.


Hirit natin nga, trabaho ang isunod na ayuda na pangmatagalan at mas produktibo. Hirap na hirap ang ating mga kababayan na maghanap ng mapapasukan ngayong may pandemya.


Lampas tatlong milyong Pinoy ang jobless pa rin, at ngayong may lockdown ulit, hindi malayong muling madagdagan ang mga walang trabaho.


Hinihirit din nating kung puwedeng pag-isahin ang pamamahagi ng ayuda sa pagre-recruit ng mga manggagawa. IMEEsolusyon naman sa hirap ng paghahanap sa trabaho ang inihain natin noon pang nakaraang taon ang Senate Bill 1590 o TROPA Bill (Trabaho sa Oras ng Pandemya Act).


Sa ilalim ng TROPA bill, pag-iisahin ang kalat-kalat na legislative measures sa mga subsidiya sa suweldo at cash-for-work program para sa mga skilled at unskilled workers sa buong panahon ng pandemya.


Maraming trabaho ang puwedeng malikha sa mga tanggapan at project sites ng gobyerno, o sa anumang programa ng pamahalaan na may kinalaman sa mga infrastracture projects, sa kalusugan, paglilinis at pangangalaga sa kalikasan. Puwede rin sa mga pag-aaring imprastruktura ng gobyerno, reforestation, flood control, mga conservation project, pagpapaganda ng mga national park, mga kagubatan, at mga historical site sa bansa.


'Yung bilyun-bilyong cash na ayuda, dapat palawakin ang mga cash-for-work program ng DOLE para sa formal at informal workers sa ilalim ng CAMP (COVID-19 Adjustment Measures Program) at TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program). Meron ding mga cash-for-work programs ang DPWH at DSWD.


Kapag naisaayos ang mga imprastruktura, manumbalik ang foreign investment at turismo na puwede ring makadagdag pa ng trabaho sa ating mga kababayan, 'di ba!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page