ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 12, 2021
Sablay at kuwestiyunable ang payo at rekomendasyon ng Department of Agriculture na pinalagdaan nito kay Pangulong Rodrigo Duterte na taasan ang importasyon ng baboy at tapyasan ang taripa ng pork imports!
Aba, sa halip na kumita sana ang gobyerno sa buwis sa pork imports, tinapyasan pa ang taripa. At sa halip na limitahan ang importasyon ng baboy para hindi mamatay ang ating mga lokal na hog raisers o magbababoy, mas tinaasan pa! Eh, para kaninong pakinabang?
Tinutukoy natin dito, 'yung Executive Order 128 na pinalagdaan ng DA sa ating Pangulo, kung saan ang mga pork import ay itataas ng 350,000 metriko tonelada, na dagdag sa kasalukuyang minimum access volume o MAV na 54,210 metriko tonelada na pinapayagan para sa taong ito.
At kapag epektibo na ang EO 128, ang 30% na taripa ay ibabagsak sa 5% para sa mga pork imports na nakapaloob sa pinalaking MAV. Habang mula sa 40% bababa ito sa 10% para naman sa mga pork imports sa labas ng MAV.
Tanong ko, bakit ganyan? Eh, kung tapyas ang buwis, bawas kita 'yan sa ating gobyerno na hindi sana'y puwedeng paghugutan ng pondo para makaagapay tayo sa dobleng dagok ng African Swine Fever at panggastos sa paglaban sa COVID-19.
Akala ko ba naghahanap tayo ng pera? Nasaan ang pinagmamalaking whole-of-government approach? Eh, bukod sa ikakanal nito ang mga lokal na magbababoy, mawawalan pa ng tsansa na magkaroon ng pondong Php11.5 bilyong pandagdag sa ‘ayuda,’ bakuna, at personal protective equipment o PPE!
Gets nating pansamantalang remedyo yan sa kakulangan ng supply ng baboy sa mga consumer o mamimili pero doble ang magiging dagok nito sa ating mga hog raiser.
Klaro rito na ang makikinabang sa EO ay mga banyagang magbababoy at exporter, local pork importer, at maaaring maging ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno na nagbebenta ng lisensya sa importasyon, hindi ba?! Kaya IMEEsolusyon, bubusisiin natin 'yan sa Senado! Be ready, DA!