top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | September 12, 2023




Dahil sa napakataas na presyo ng bigas maging ang yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. ay babangon sa kanyang libingan at magma-Martial Law.


Ito ang inihayag ni Senadora Imee Marcos, panganay na anak ng dating pangulo, na hindi makapaniwala sa nangyayaring pagtaas sa presyo ng bigas sa bansa sa kasalukuyan.


"'Wag na tayong magtanim ng palay para matigilan na ang pagdurusa ng magsasakang Pilipino — todo-import na lang tayo!" pahayag ni Imee sa kanyang mensahe sa mga mamamahayag.


"Babangon at magma-Martial Law ang tatay ko sa ginagawa nila sa bigas ngayong birthday pa niya!" wika pa ng senadora.


Nabatid na ginunita kahapon ang ika-106 na kaarawan ng yumaong pangulo sa Batac, Ilocos Norte.


Ginawa ni Imee ang reaksyon nang hingan ng komento hinggil panukala ng Department of Finance (DOF) na bawasan ng 35 porsyento ang import tariff rates sa bigas para mapababa ang presyo nito sa mga pamilihan.


Inilatag ng ahensya ang panukala matapos ipag-utos ni President Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr., ang pagpataw ng price cap sa bigas sa pamamagitan ng Executive Order 39.


"What sinister forces are at work in the rice industry? First there was no apparent shortage but suddenly the price of rice skyrockets. To bring price under control, EO 39 is pushed without eco team’s knowledge much less assent," sabi ni Imee.


"Traders, retailers and the entire marketplace is in disarray as warehouses, illegal or not are raided willy-nilly. So of course, we now have to lower or remove the import tariff entirely! Haven’t we heard this story too many times for us to believe it all again?" tanong pa niya.


Samantala, inihayag naman ni Senate Minority Leader Aquilino 'Koko' Pimentel III na dapat gumawa ng maraming mga paraan bago pa man ipataw ang price cap sa bigas.


"Yes, better to reduce or eliminate tariffs first before even entertaining the idea of a price cap. Also, better to go after the hoarders and price fixers before even entertaining the idea of a price cap,” diin ni Pimentel.


Ipalabas sa merkado ang mga naka-hoard na supplies. And there is also the NFA. Better to let the NFA release into the market the amount of rice needed to stabilize the price of rice. These are just 3 measures which should have been done even before entertaining the idea of a price cap," dagdag pa niya.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 30, 2023




Naniniwala si Senadora Imee Marcos na magsasamantala ang mga negosyante sa unang linggo ng pagbubukas ng klase lalo na’t magkukumahog ang mga estudyante at mga guro na kumpletuhin ang kanilang mga gamit pang-eskwela.


Dahil dito, hinikayat ni Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) na paigtingin pa ang mga biglaang inspeksyon sa mga nagtitinda ng school supplies na lumalabag sa bagong-presyong gabay nito na isang buwan pa lamang ang nakalilipas.


“Iniisnab ng mga tindera ang price guide ng DTI," wika ni Marcos kaugnay sa 'Gabay sa Pamimili ng School Supplies sa 2023' ng kagawaran.


Sa isinagawang pagmo-monitor ng opisina ng senador sa presyo ng school supplies sa ilang palengke sa Metro Manila noong weekend at Lunes, ang mga notebook ay nagkakahalaga ng P23 hanggang P60 bawat isa, o hanggang P8 higit pa kaysa sa P23-P52 na nakalista sa gabay-presyo ng DTI.


Mas mura ang pad paper ayon sa gabay-presyo ng DTI, na nagkakahalaga ng P20-P28, pero umabot ng P35 lalung-lalo na sa mga palengke sa Caloocan at Rizal.


Ang mga krayola na iba't ibang dami ay nagkakahalaga ng P30-P100 kada lalagyan, samantalang sa gabay-presyo ng DTI ay P24-P69 lamang.


Gayunman, mas mababang presyo, tulad ng iba't ibang lapis at ballpen, ay mabibili sa P7-P11, kumpara sa listahan ng DTI na nagkakahalaga ng P11-P17.


Ang mga naghahanap ng mura sa Divisoria na bumibili nang maramihan ay makakakita na ang regular na mga notebook na dati'y nagkakahalaga ng P180-P200 kada ream, ngayon ay P250, samantalang ang spiral na mga notebook na dati'y nagkakahalaga ng P180-P220 kada ream ay nagkakahalaga ng hanggang P300.


Pinuri naman ni Marcos ang DTI sa mga biglaang inspeksyon nito sa Divisoria at iba pang palengke sa nakaraang dalawang linggo ngunit sinabi na pagkatapos ng inspeksyon, muling nagtaasan ang mga presyo.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 29, 2023




Itinanggi ni Presidential Sister at Senador Imee Marcos na may hidwaan sila ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.


Kasabay nito ang pagdepensa ng Senadora na hindi siya isang kritiko ng Pangulo bagkus ay naghahanap umano siya ng solusyon.


"Hindi ako critic. Gusto ko lang ipaliwanag... Ang ginagawa natin, eh naghahanap ng solusyon," depensa ni Marcos sa isang press conference.


Una nang nagsimula ang usapang awayan sa pagitan nina Sen. Imee at P-BBM nang salungatin ng una ang ilan sa polisiya at panukalang batas ng Pangulo. Kabilang dito ang ratipikasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership at ang usapin ng pagtanggap ng Pilipinas sa mga empleyadong Afghans ng Estados Unidos.


Pero ayon sa Senadora, nagpapahayag lamang siya ng kanyang mga opinyon para mapabuti ang administrasyon ng kanyang kapatid.


"Hindi naman sa pagkokontra, we're trying to hammer out details... Makulit ako, eh. Talagang gusto kong alamin 'yung detalye. Matagal akong executive... So I'm always concerned that a law should work... So, kinukulit ko talaga siya," saad pa ni Imee.


Gayunman, binanggit pa ni Sen. Imee na mahal niya ang kanyang kapatid at aminadong nagkakaroon din sila ng mga awayan tulad ng isang normal na pamilya.


"Hindi kami nag-uusap nang madalas. Minsan may sasabihin si Sandro, minsan papaabot ni Bongbong. Ganon. Minsan si Sandro nagsusumbong. Okay lang, normal kaming pamilya," ani Imee.


"I'm solid admin, no ifs or buts. I'm only here to protect the President and the family name. We fought hard and long for this and we're deeply invested in making certain that the Marcos administration should work," dagdag pa niya.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page