ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 19, 2021
Hanggang ngayon, marami pa rin tayong mga kababayan na takot magpa-COVID-19 test. Ewan ko ba kung bakit marami ang natatakot, samantalang "early prevention is better than cure", di ba?
Whether we like or not, kapag tayo'y pumapasok sa trabaho o mga opisina, naoobliga tayong magpa-swab test. Kapag pupunta naman tayo sa malalayong probinsiya, bago tayo papasukin ay may nanghihingi rin ng swab test result.
Pero hopefully, ang ating mga kababayan ay makita ang kagandahan na ma-testing nang maaga para magkaalaman kung nahawahan na nga tayo ng COVID-19 para magka-tsansa na gumaling agad.
IMEEsolusyon ng inyong lingkod para maibsan ang mga takot at pag-aatubili, ma-incentivize ang mga magpapa-swab test at 'eto nga 'yung "Swap Swap program" na parehong pakikinabangan ng ating gobyerno, pribadong sektor, local government units o LGUs at taumbayan.
Paano ito? Eh, sa halip na food-dole outs lang ang ibigay para mahimok na magpa-COVID-test ang ating mga kababayan, sa "Swab Swap", ang magpapa-swab test ay mabibigyan ng voucher na may petsa kung kailan magagamit kapalit ng iba't iba pang produkto at serbisyo.
Tulad ito ng programa sa atin sa Ilocos Norte, kung saan iniaalok namin sa Ilocos ang mga voucher hindi lamang para sa pagkain kundi pati na rin sa pagbiyahe at pamamasyal, 'di ba, bongga?
Itong Swab Swap para sa COVID-19 test ay hindi hamak na malaking tulong din sa mga naghihingalo nang negosyo na malalaanan ng stimulus funding kung voucher ang gagamitin. And 100% sure na hindi rin magiging ganun ka-demanding ang gagawing pamamahagi ng mga voucher.
Puwedeng i-iskedyul ng mga LGU ang kanilang swabbing program base sa family name, alphabetical at may takdang oras para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.
Well, mga friendship, mas may appeal itong "swab swap vouchers" sa mga advocacy ng mga pribadong sektor at maging ng mga corporate social responsibility programs nila na tiyak na makatutulong sa gobyerno na mas maparami ang magpapa-COVID-19 test.
Oh, 'di vah! Nagpa-COVID-19 test ka na, may voucher ka pa, at makatutulong ka pa para makabawi ang maraming negosyong nalugi dahil sa pandemya!