top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 24, 2021



Heto na naman ang Department of Health, may bagong pakulo na ‘wag nang ipaalam sa publiko kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang ituturok sa kanila. Para raw hindi maging choosy at pa-iniksiyun na kung ano ang available. No way!


FYI lang, DOH, ang bawat pasyente ay may karapatang malaman kung anong klaseng bakuna ang ituturok sa kanila! Juice ko noh, tigilan nila tayo. Alam nilang pang-emergency use lang ‘yan! ‘Di ba nga, wala pang total commercial clearance ang ibinigay ng WHO sa kahit anong brand ng bakuna? Hello!


Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Sob­rang unethical o labag sa prinsipyo na sadyang kulang ang ibibigay na impormasyon sa bawat pasyenteng Pilipino. Emergency use authorization o EUA pa nga lang ‘yan, ipagkakait pa ba ang brand?


Reminder, dapat malaman ng publiko kung ano ang mga banta pati ang mga benepisyo ng bawat bakuna kontra COVID-19, upang maka­pagbigay ang bawat pasyente ng tinatawag na informed consent o mulat na pagsang-ayon bago mabakunahan. Kung kulang na sa umpisa ang impormasyon, pati pag-aaral ng bisa at epekto ng mga bakuna eh maantala. Ano ba talaga ang itinatago?


Papaano tayo pipirma ng ‘consent form’ kung kulang ang impormasyon nakalahad sa atin?


Eh, kahit vaccine card may mga puwang para pangalanan ang brand, manufacturer, batch number at lot number pa? Paano ‘yan isusumite ng maayos? Ibig bang sabihin, itatago ang mga vial o lalagyan ng mga bakuna, aalisin ang tatak, itatapon ang mga kahon? Nagpapatawa ba kayo, DOH?


‘Yan na lang ba ang naiisip na paraan ng DOH para hindi na pumalag at hindi maging choosy ang tao sa bakuna? Eh, mas matatakot magpabakuna ang tao niyan, at hindi na magtitiwala sa ahensiya. Ang publiko ay mas nag­­titiwala na tuloy sa nababasa nila sa social media tulad ng Facebook, kaysa DOH! Hay naku!


Pero, IMEEsolusyon natin d’yan, dapat ayusin pa ng DOH ang kanilang information campaign sa pagpapabakuna, dahil hindi pa rin nalilinawagan ang taumbayan na kahit anong vaccine, gawa man sa U.S. o sa China ay epektibo sa pagpababa ng tiyansansang ma-ospital kahit mahawaan ng COVID.


Kailangan din mahikayat ang mga eksperto at kinatawan sa medisina na makapagsasalita sa kahalagahan ng kahit anong klaseng bakuna laban sa virus. Ipa-brodkas o isapubliko na ‘yan, ulit-ulitin lang. Bilib me, may epekto ‘yan! Agree?

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 21, 2021



May mga rekomendasyong pinag-aaralan ngayon ang ating pamahalaan para sa mandatory vaccine passport mula sa ilan nating mga kababayan.


Although lumalarga ang mga pagbabakuna, malayo pa tayo sa pag-abot sa inaasam nating 70 million herd immunity at katunayan, nasa 2 milyon pa lang ang tuturukan ng bakuna kontra sa COVID-19.


Bukod d’yan, pautay-utay ang mga dumarating na bakuna at minsan ay atrasado pa nga. Hindi pa sapat ang bakuna at kahit nga mga taga-Europa meron silang bangayan dahil ang iba ay gustong solohin na ang bakuna.


At ‘yung inaasahan nating supply na galing sa India, nag-stop pa kasi nga mas kailangan nila dahil sa sitwasyon sa kanilang bansa ngayon.


Kung 0.28% pa lang ang natuturukan, napaka-unfair naman sa 99.71% na ipatupad o ipagpilitan ang mandatory vaccine pass sa indoor establishments.


Hindi kagustuhan o kasalanan, lalo na ng mga taga-probinsiya na kakarampot palang ang natatanggap na bakuna, ‘di ba?


And mind you ha, kahit mismong taga-Department of Health, nagsabing hindi kasiguruhan na ang fully vaccinated na o ‘yung nakadalawang dose na ng bakuna, eh, sure na hindi mahahawa. Paliwanag ng DOH, na may mga pag-aaral na ang mga available na bakuna ay kaya nang i-block o harangin ang virus transmission, kundi sa ngayon ang kaya nitong gawin ay bawasan ang “risk” o peligro para matamaan ng matinding impeksiyon at maospital.


Kaya naman, hindi pa rin nagbibigay ng assurance ang DOH sa publiko na 100% na hindi magkakasakit o makahahawa ang mga nabakunahan na, ‘di ba?


Kaya natatanging IMEEsolusyon sa ngayon, eh, ipagpapatuloy natin ang pagsunod sa health protocols na pagsusuot ng facemask, face shield, social distancing, lalo na sa mga mall at iba pang public places at ugaliin ang paghuhugas ng mga kamay. Huwag tamarin!


Sa ganang atin, huwag muna ipatupad ang mandatory vaccination pass para sa indoor establishment, dahil hindi pa ito napapanahon sa ngayon. ‘Wag muna tayong magpatupad ng patakaran na ilalagay din tayo sa peligro at kulang sa resources, Agree?

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 12, 2021



Nag-viral ang pag-atras ni Pangulong Rodrigo Duterte sa debate challenge kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sa usapin ng South China Sea.


Pero agree tayo kay Tatay Digong na 'wag na syang makipagdebate, dahil alam naman niya ang katotohanan d'yan. Pinaatras ng mga awtoridad ang ating navy ship sa Scarborough Shoal o Panatag Shoal at inabandona ang lugar kaya inangkin na ng mga Chinese.


Inaasahan umano kasi ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na tumutulong sa panahong iyon ang Amerika sa pakikipag-negotiate sa China at pinatulan naman natin na wala man lamang sapat na koordinasyon sa mga natatanging opisyal sa Beijing.


Ikalawa ang sinasabing arbitral ruling na umano’y pumabor sa Pilipinas noong 2016 ay hindi talaga “enforceable” o mapapatupad. Kaya nga arbitration lang ang title eh, obvious ba? Hindi yan kasi kagaya ng paglilitis sa nalalaman nating mga korte, na may pulis na naka-abang kung papalag ang hinatulan. Walang tinatawag na “enforcement mechanism.” Wala rin namang danyos na hiningi ang gobyerno noon.


So, tama ang tanong ni Pangulong Duterte kay Carpio. Ano ang ie-enforce at paano? Sa katunayan, hindi nga sumali ang China sa sinasabing arbitration process.


Well, napilitan na kasi ang ating Pangulo sa kakakulit at kung anu-anong alegasyon ang ibinabato sa kanya kaya naman sa pagkainis, eh, siya na mismo nanghamon sa debate na tiyak na wala namang kapupuntahan dahil batid na ng lahat ang insidente.


Batid din ng lahat na kung hahabol tayo ng apela sa UN General Assembly, eh napakalawak ng impluwensiya ng China sa mga bansang miyembro dahil sa pagpondo nito ng napakaraming proyekto. Isa rin ang China sa limang permanenteng miyembro ng UN Security Council at kayang ibaliktad ang anumang resolusyon laban sa interes nito. Tila ihahampas lang natin ang ating sarili sa pader.


Kaysa debate, IMEEsolusyon nga natin para malutas ang sigalot sa South China Sea ay makipag-negosasyon tayo sa China pagdating sa usapin ng pangingisda. Sa pakikipag-usap ni Pangulong Duterte kay President Xi Jinping, bukas na bukas naman ang China rito, pero ginugulo lang talaga nila Carpio at Del Rosario.


Tama lang ang ating Presidente na isantabi na niya muna ang debate dahil mas marami pa siyang iniintindihing problema sa kagutuman at kawalan ng trabaho. Tutok muna tayo sa pandemya! Agree?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page