top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | June 04, 2021



Dagdag-pahirap sa gitna ng pandemya ang rotational brownout na nararanasan ngayon hindi lang sa Metro Manila kundi pati sa iba pang parte ng Luzon.


Ang katwiran ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at mga energy officials, dulot daw ito ng planado at hindi planadong maintenance shutdowns ng ilang planta ng kuryente at pagpalya ng ilang generator sa pagsu-supply ng inaasahang kapasidad ng elektrisidad.


Noong weekend inilagay ng NGCP sa red at yellow alert ang Luzon grid dahil sa mababang reserba o manipis na supply ng kuryente at biglang sumipa ang matiniding init, kaya nag-manual “load dropping” na daw sila.


Pero remember, nitong Abril, ‘di ba, tiniyak kuno ng Department of Energy na wala namang magaganap na “demand-driven energy shortage” nitong summer. Hello! Eh, ‘anyare? Bakit may rotational brownout hanggang sa susunod na linggo?


Dapat ‘wag mangako ng hindi kayang panindigan! Nasa pandemya tayo at nasa peligro ang mga COVID vaccine na kailangan ng cold storage, ‘noh! Milyun-milyon ding estudyante at guro na may online classes pati negosyo at empleyado na work-from-home ang nadadale ng mga papitik-pitik na brownout!


Dagdag pa ang inconvenience sa lahat, lalo na sa mga may sakit na ang iba’y na-heat stroke pa at intake. Magdudulot din ‘yan ng panibagong pahirap at dagdag-gastos sa ating mga kababayan sa inaasahang pagtaas ng singil sa kuryente, ‘di bah!?


Pero, no worries, IMEEsolusyon d’yan, buksan ang malayang pamumuhunan o ang ‘liberal foreign investment’ sa sektor ng enerhiya na makapagbibigay ng pangmatagalang lunas sa lumalaking pangangailangan ng bansa dahil sa pagdami ng populasyon at sa climate change.


At ‘yan nga ay nakapaloob sa ating Senate Bill 1024 na isinulong noong 2019 pa. Mabuti na lang at sinertipika na ni Pangulong Duterte na dapat nang paspasan ang pag-apruba ng Senado, kabilang ang dalawa pang panukala ng ating kasamahang mambabatas na makahihikayat sa pagpasok ng mas maraming foreign investment sa bansa.


Pinu-push natin ‘yung mga tinatawag na “non-fiscal incentives” na palaging pinapakiusap ng mga dayuhang interesadong mamuhunan sa ‘Pinas. Tumutukoy ang mga ito sa kawalan ng infrastructure at inter-modal transport, mahal na singil sa kuryente, mahinang Wi-Fi, at sa kawalan ng maluwag na pagnenegosyo kumpara sa ating mga kapitbahay sa Asia.


Eh, kapag naaprub ‘yan, maiiwasan na ang mga brownout, unti-unti pang maibabangon ang ating ekonomiya sa panahon at kahit pa natapos na ang pandemya! Ang mga brownout na ‘yan ang wake-up call o panggising sa atin. Habang maaga pa, gawan na ng paraan bago pa lumala ang sitwasyon. Now na!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 31, 2021



Hay naku, nangangamoy eleksiyon na! Magbibilang na lang tayo ng ilang buwan, filing na ng candidacy sa Oktubre, ‘di ba?


Kaya naman, bilang chairman ng Senate committee on Electoral Reforms and People’s Participation, ang inyong lingkod ay mega-push sa panukala nating hybrid elections system. Ito ‘yung kombinasyon ng automated at manual voting na magsisiguro ng transparency at kredibilidad sa ating electoral process.


It’s about time na simulan nang palitan ang ating sistema ng eleksiyon sa umiiral na automated polls. Eh, ang daming netizens ang nangangamba na mama-magic na naman umano ang kanilang mga boto dahil sa automated system. Plus, duda pa sila sa Smartmatic na nag-iisang pinagpipilian ng Comelec since 2008.


Ewan ko ba, eh, marami namang magagaling na Pinoy na IT service providers, give them a chance, ‘di ba!


Take note, hindi lang tayong mga Pinoy ang nangangamba sa automated elections, kundi pati angGermany, Australia at Singapore na binalik ang manual count o mano-mano na bilangan tuwing eleksiyon.


Kaya para sa mas transparent na botohan at bilangan sa ating bansa, itodo-push na ang hybrid election system. Mas palalakasin ang pagiging transparent nito dahil lalagyan pa ng mga security features para maiwasan ang dayaan, bongga!


Dito patuloy ang nakasanayan nating computerized na sistema nating pagboto, kung saan isusubo ang balota sa VCM o vote counting machine, ngunit bubuklatin din at ipapakita mismo sa madla ang mga balota sa bawat voting precinct. Pagkatapos ang mga guro ang magta-tara o mano-manong magbibilang.


Mangingibabaw ang manual count sa mga numerong ilalabas ng mga makina, kung hindi magtutugma ang bilang ng mga boto. Kapag may manual count, hindi na ‘yan mama-magic. Kaya lang nga naghahabol tayo ng oras at medyo madugo ang deliberasyon para makakuha ng badyet lalo na’t may pandemya tayo.


IMEEsolusyon natin sa gitna ng matitinding problema ng kakulangan sa badyet dulot ng pandemya, ma-push na muna ang pilot run nito sa apat na lugar o sa dalawang urban areas at dalawang rural areas. Go na natin ang hybrid, para mas ligtas ang mga boto sa dayaan!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 26, 2021



Hanggang ngayon, marami pa ring hassle sa target na pagtatayo ng Department of Overseas Filipinos o DOFIL. Unang-unang ay nakaaabala ang isyu ng teritoryo sa mga ahensiya ng gobyerno.


Tayong nasa Senado, willing i-push ang sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte na DOFIL. Para kasi ‘yan sa ating mga kababayang OFWs, kaya go tayo!


Saka bilang konsiderasyon sa mga hinaing ng ating mga OFW, suportado nating lahat sa Senado ang DOFIL. Kailangan nila ng one-stop shop na pupuntahan at hindi ‘yung paikut-ikot sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa kanilang hinihinging tulong.


Pero, ano magagawa natin kung nag-aaway-away sa teritoryo ng mandato at badyet ang mga ahensiya ng gobyerno? Ayaw pa rin kasing bitawan ng kasalukuyang mga departamento, tulad ng DOLE, DFA, at DSWD ang mga ilan sa kanilang mga nakakabit na ahensiya.


Ang hindi nila nakikita, kapag na-consolidate o pinagsama-sama na ang mga ahensiyang ‘yan, tiyak na menos-gastos na ang gobyerno, magagamit pa sa pondo para mailikas ang mga OFWs na gusto nang makauwi sa ating bansa.


‘Yun nga lang, paano tayo uusad niyan, kung ang ahensiya ng gobyerno, eh, ayaw bitawan ang mga attached agencies nila na tulad ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), at Labor Affairs Bureau sa ilalim ng DOLE; Office of Migrant Workers’ Affairs and Commission on Filipinos Overseas sa ilalim ng DFA; International Social Services Office sa ilalim ng DSWD; at ang Office of Muslim Affairs sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo.


Kung hindi mawawakasan ang aberyang ‘yan, walang kahihinatnan ang DOFIL. Pero habang ganyan kagulo, IMEEsolusyon dito ang palawakin na lang ang POEA bilang National Overseas Employment Authority (NOEA) na mas matipid pa.


Lalo na’t nahaharap tayo sa marami pang problemang pampinansiyal kapag nagpatuloy pa itong mga dagok ng pandemya sa ating bansa. Aba, push na muna natin ang NOEA. Kaysa naman itodo na natin dito ang lahat sa nagkakagulo pang pag-apruba sa DOFIL.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page