ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | June 14, 2021
Bakit ba kung kaian pa-tag-ulan na, eh, nakararanas pa tayo ng mga brownout? Kamakailan lang, naperwisyo ang sesyon namin sa Senado ng brownout na ‘yan.
Ano pa nga ba ang aasahan, sa halip na maisagawa na ang mga naka-pending na mga diskusyon sa iba’t ibang panukalang-batas, hayun, pumitik ang kuryente at kaming naka-work-from-home super-dilim ang screen, putol ang koneksiyon. Ano ba?!
Bakit ba nangyayari ang rotational brownout sa Luzon, eh, hindi ba sure raw noong Abril ang Department of Energy na hindi tayo magkukulang ng supply sa kuryente? So, ano ang mga brownout na ‘yan? Ano ba talaga?
Manipis umano ang supply ng kuryente sa mga generation plants, kaya may mga brownout! Ano naman ang ginagawa ng NGCP? ‘Di ba, tungkulin niyan na suplayan o punuan ang mga maninipis na reserba ng mga generation plants? Bakit hindi naman ito nasiguro ng DOE?
Ano nga ba ang paliwanang ni Energy Secretary Alfonso Cusi? Balita kasi natin, may inunang ibang bagay sa Cebu na kasabay rin ng mga brownout? Sana lang, unahin natin ang mga prayoridad sa ating trabaho, sir.
Mabuti sana kung iilang tao lang ang apektado. Pati ang mga eskuwelahan o ‘yung mga naka-online classes, at negosyo, naperwisyo ng brownout na ‘yan sa Luzon. Ang latest news, eh, magpapatuloy pa rin ang mga power interruptions hanggang sa katapusan ng Hunyo, Hulyo at Agosto. Kaya naman, medyo duda na kami riyan sa mga brownout na ‘yan. Kailangang maipaliwanag ‘yan!
IMEEsolusyon natin habang maaga, dapat mabusisi na ang problema ng kuryente at maremedyuhan. Mismong sa bibig ng DOE dapat nating malaman. Wika nga, direct from the horse’s mouth. Ipinatatawag natin sila sa Senado, kailangang malaman ang sanhi ng mga rotational brownout lalo na’t nabalitang pati sa ilang isla sa Visayas at sa Mindanao, zero reserve ang kuryente?
Remember, halos lahat ngayong new normal na, eh, gamit natin online. Kung maging madalas ang brownout, paano na?