ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | July 07, 2021
Nitong nagdaang mga linggo, dalawang aksidente sa chopper ang nangyari, at nito namang weekend, isang C-130s Hercules military cargo plane ang sumunod. Nakalulunos ang kanilang sinapit. Hindi natin maubos-maisip kung paano nangyari ang huling aksidenteng ito, gayung sinigurado naman ng ating awtoridad na walang problema sa eroplano.
Nakalulungkot ang insidenteng ito dahil hindi basta-basta ang mga sakay na mga mahal nating sundalo. Sa 52 na namatay, 49 ang mga sundalo na kasama ang tatlong ekspertong piloto at limang crew, habang tatlo naman ang mga nasawing sibilyan. Ang mga sugatan ay 47 na sundalo at 4 na sibilyan, Ilan sa kanila ay malubha ang kalagayan.
Karamihan sa kanila’y kamakailan lang nagtapos o kaga-graduate lang at pawang army private pa lang. Sila dapat ang kinabukasan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Mga beterano nang sundalo ang kasama nila sa nasabing flight na buwis-buhay na naasahan sa paghahatid ng mga relief goods, medisina at iba’t ibang pangangailangan ng ating mga kababayang nadadale ng mga sakuna at mga kalamidad.
At nang sila naman ang nangailangan ng ating tulong, nasunog sila doon sa bumagsak na eroplano, hindi natin sila agad masaklolohan na talagang nakadidismaya. Ano ba talaga ang dahilan ng ganyang aksidente? OMG!
Sa ganang akin, IMEEsolusyon d’yan na itigil na ang mga ‘flying coffin’, plis lang. ‘Wag naman nating pasakayin ang mga sundalo sa mga pipitsugin o mga secondhand na aircraft. Baka naman puwedeng brand new na equipment ang bilhin?
Itodo na natin sa magandang klase ang mga kailangan ng ating mga sundalo, buhay nila ang nakataya araw-araw. Deserve nilang makagamit ng primera klase at plis pag-ipunan pa natin para sa mas mga high-end na equipment ang mai-supply sa kanila.
At praktikalidad din bilang konsiyumer, ‘yung mga kapos sa badyet na mamimili, minsanan lang bumili ang mga ‘yan, pero pinipili nila ‘yung mas mahal dahil matagal ang buhay ng mga nasabing gamit.
‘Ika nga, kung bibili na rin lang, ‘yung pangmatagalan ang kalidad at tibay, hindi ‘yung nakamura nga, ilang linggo lang ang gamit, wasak na. Oh, ‘di ba, mas magastos ‘yun, at nasa peligro pa ang buhay kung pipitsugin ang gagamitin!