ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | July 23, 2021
Nakababahala na ang kaliwa’t kanang kalamidad na nangyayari sa iba’t ibang panig ng mundo. Kamakailan, matindi ang pagbahang naranasan sa Europa kung saan maraming nalagas na buhay. May wildfire sa Australia at U.S., heatwave sa Canada at iba pang hindi pangkaraniwang pangyayari sa ibang bansa.
Sa atin sa Pilipinas, heto nga at tag-ulan na naman at kasabay ng COVID-19 ang pananalasa ng ilang mga bagyo kabilang ang Fabian at ang tinatawag na panahon ng Habagat. Marami na tayong pinagdaang pagsubok sa mga bagyong hindi natin malilimutan tulad ng nakakikilabot na pamiminsala ng Ondoy at Yolanda.
Eh, di ba nga ang mga kababayan natin sa Tacloban, Leyte ay tinamaan ng matinding pagbaha dulot ni “Yolanda” at ng storm surge na dala-dala nito? Hindi biro ang delubyong nangyayari kaya’t napakaimportanteng hindi natin ito babalewalain, ‘di ba? Kahit pa may COVID, kailangang tutok din tayo sa usapin sa Climate Change.
May mahalagang papel na gagampanan ang Pilipinas bilang isa sa mga signatory ng Paris Accord upang masolusyunan ang problema sa global warming, kung saan merong maliliit na isla sa Pacific Ocean ang nanganganib.
Ang global warming ay ang pagtaas ng temperatura ng himpapawid at ng mga karagatan sa ating mundo. Ang pangunahing sanhi ng global warming ay ang pagtaas ng lebel ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gases na nagmula sa pagsusunog ng mga produkto mula sa petrolyong langis, pagsusunog ng kagubatan at iba pang kagagawan ng tao.
Epekto rin ng global warming ang pagtaas ng sea level, pagbabago sa dami ng ulan, madalas na pagbaha, matinding pagbugso ng init, pagdami ng bagyo, pagkatunaw ng mga dambuhalang ice glaciers, at iba pang super-scary na calamity!
IMEEsolusyon natin, eh, magmalasakit tayo sa ating kalikasan at kapaligiran. Nakasalalay sa ating mga kamay para maiwasang lumala ang pagkasira ng kalikasan na magdudulot ng climate change, ‘di ba! Kapag nagpabaya tayo at wala tayong ginawa, lalala ang epekto ng global warming sa mga tao, at babalik ito sa ating lahat. Tayo ang mabibiktima ng mga kalamidad.
IMEEsolusyon na gawin natin ang ating parte upang maiwasan ang paglala ng global warming. Ito ay maaaring simple lamang, tulad ng paggamit ng mga environment-friendly na kagamitan at ng pag-iwas sa mga straw at plastic.
Malaki rin ang magiging role ng mga tatakbo sa eleksiyon at mapapaupo sa puwesto. Hoping tayo na sinuman ang manalo at maging bagong lider sa susunod na taon, tututukan nito ang climate change!