ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | August 09, 2021
Kamakailan nabalot ng kontrobersiya ang ating world-famous tattooist na si Whang-Od at ang popular na vlogger na si Nas Daily. Inakusahan kasi si Nas Daily ng apo na inii-scam si Whang-Od.
Eh, ‘di ba nga napabalitang merong pinirmahang kontrata si Whang-Od kay Nas Daily para magturo ng “tattoo masterclass” online. Alegasyon ng apo ni Whang-Od na scam si Nas Daily na pinipilit namang nagpo-promote lamang siya ng naglalaho nang tradisyon at may ibabahagi naman sa kung ano’ng makalap sa Php750 na bayad ng bawat tatangkilik sa nasabing kurso.
At sabi pa ng apo ni Whang-Od, wala umanong maayos na consent o pagsang-ayon si Whang-Od sa nasabing kontrata dahil hindi ito buong naintindihan. Pero ang sabi naman ng kampo ni Nas Daily, nilagdaan ng thumbmark ang kontrata. Eh, ano ba talaga?
Malaki ang papel nating lahat bilang Pilipino na protektahan ang ating mga kalahing katutubo sa anumang uri ng pananamantala, o pagkaladkad sa kanila sa anumang kontrobersiya. Reminder hindi basta-basta ang 104-year-old nang Whang-Od, ha? Kinakatawan niya ang buong IPs.
At siyempre, bilang chairman ng Senate Committee on cultural communities, hinding-hindi natin mapapatawad ang anumang uri ng mga pananamantala o pagbalahura sa ating mga ‘national treasure’ na IPs. Take note, hindi ito first time sa ating mga IPs.
May mga dati nang reklamo na nababalewala ang halaga ng mga IPs, hindi lang nakakaladkad ang kanilang minanang kultura, kundi nanakaw pa ang kanilang kostumbre, tradisyong may spiritual value na dapat nating pinakakaingatan, pero tinatrato lang ng mga taga-lunsod na isang bagay at potensiyal na pagkakakitaan. Grabe!
Partikular dito ‘yung inireklamong New Era Cap Co. na gumawa ng koleksiyon ng Whang-Od t-shirts, ‘yung sandalyas ng Tribu Nation na ginamit ang pangalan ng Kankana-ey at dalawa pang ipinangalan rin sa Yakan ng Basilan at sa Manobo ng northern Mindanao, at nabastos din ang T’boli community sa southwestern Mindanao sa paggamit ng kanilang sagradong T’nalak textile para sa isang sapatos.
IMEEsolusyon dito ang pagbuhay sa inihain nating Senate Resolution 517 last year na kailangang imbestigahan ang mga paglapastangan sa ating mga IPs at gumawa ng batas para bigyang-depinisyon ang pagbabalahura sa cultural heritage at mapanagot ang mga guilty!
Need nating protektahan sila at pinakamatibay nga ditong IMEEsolusyon ang pagbigay-permiso na sa communal o pang-komunidad na intellectual property. Sa ngayon, pang-indibidwal lang ang tinatawag na intellectual property rights sa ating batas.
Para silyado ang proteksiyon sa mga IPs, dapat nakalagay din sa bagong batas na lifetime o pang-habambuhay na maaangkin ng mga IPs ang kanilang mga minanang kultura at hindi pansamantala lang. Agree?