top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | December 8, 2023




Nanawagan si Senadora Imee Marcos sa pamahalaan nitong Biyernes ng agarang paghahain ng kaso laban sa mga smuggler ng mga produktong agrikultura na nagiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng bilihin.


Saad ni Imee, dapat na aksyunan ng gobyerno ng ‘Pinas ang mga nag-smuggle ng mga nasabing produkto at tigilan na dapat ang mga photo ops at raid.


Hindi man pinangalanan ng Senadora, sinabi nitong tila ang mga legal na importers din ang mga smuggler ng mga produkto at sila rin mismo ang nagdedeklara ng kakulangan sa suplay ng mga ito.


Binigyang-diin din nito na kailangang bigyan ng pansin at tulong ang mga lokal na magsasaka upang magkaroon ng laban ang mga ito o maging competitive.


Pagtatapos ng Senadora, dapat na taasan ng gobyerno ang lokal na produksyon upang hindi nakadepende ang bansa sa mga produktong ini-import.



 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | November 25, 2023




Binigyang-linaw ni Senate Pres. Juan Miguel Zubiri na "misinformed" si Sen. Imee Marcos ukol sa 'di pagsipot ng mga mambabatas mula sa Amerika sa 31st Asia Pacific Parliamentary Forum.


Aniya, nagtanong pa ang US ambassador na si MaryKay Carlson kung maaaring iurong ang araw ng nasabing pagpupulong.


"Ang problema lang po namin, nu’ng sinulatan niya po ako, napadala na namin ang invitation sa mga member countries at marami nang nag-confirm," ani Zubiri


Ibinahagi rin ni Zubiri ang sulat nina US Senators Mark Rubio at Rick Scott na nagpapaalam na nais nilang dumalo ngunit nagkasabay ito sa Thanksgiving Day.


Matatandaang sinabi ni Marcos nu'ng Biyernes na apektado ang ika-31 APPF dahil sa kawalan ng partisipasyon ng nasabing bansa sa taunang forum.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 27, 2023




Sumama kahapon si Senadora Imee Marcos sa mga nagprotesta sa harap ng Department of Finance (DOF) building na nananawagan sa pagbibitiw nina Finance Secretary Benjamin Diokno at NEDA Secretary Arsenio Balisacan sa gitna ng mga planong bawasan o tanggalin ang taripa sa inaangkat na bigas.


Sa isang panayam, sinabi ng kapatid ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na nagpakita lamang siya ng suporta na nagmula sa iba't ibang probinsya.


"Lahat ng barkada ko 'andito eh. Lahat ng kaibigan natin na mambubukid, mangingisda - lahat ng nanggaling sa Northern Luzon hanggang sa Central Luzon pati barkada galing Southern Luzon 'andito po. Nakikisuporta lang ako," sabi ni Marcos.


Nagbitbit ng mga poster nang sumugod ang mga ralista sa harap ng gusali ng DOF sa Maynila laban sa pagbabawas ng taripa sa inaangkat na bigas.


Nakasaad sa isa sa mga poster ang: “Mula kanayunan, nagpunta sa kamaynilaan! PBBM, amin pong panawagan Diokno at Baliscan, alisin d'yan! Support local production. Hindi Tariff Reduction”.


"Palibhasa wala ng bigas. 'Ayan, para lang makatulong sa kanila tutal hindi papayag si Bongbong (Marcos) dito. Sigurado ako d'yan dahil lagot tayo sa tatay ko," dagdag pa ni Imee.


Inalala ni Marcos ang posisyon ng kanyang ama — ang yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. na sinabi niyang ibinasura ang opinyon ng mga economic managers pagdating sa bigas — isang staple crop sa Pilipinas.


"Sa aking ama, halos sinasabi niya na huwag na raw makinig sa "mumbo jumbo" ng mga ekonomista 'pagkat ang totoo, iba ang bigas," punto ng senadora.


Kumpiyansa si Imee na hindi papayag ang kanyang nakababatang kapatid na si Pangulong Marcos sa anumang ideya na bawasan ang taripa sa bigas.


"Sigurado ako na hindi 'yun papayag… Nagdala lang ng support dito dahil alam ko at panatag ang aking kalooban, kumpiyansa ako na hindi papayag si Presidente," diin ni Imee.


Nagbabala siya sa posibleng pagtulak na bawasan o tanggalin ang mga taripa sa inangkat na bigas sa loob ng isang buwang pahinga ng Kongreso.


"Ang nakakatakot lamang, alam natin na ang katapusan ng Kongreso ay bukas. Kapag natapos ang Kongreso at nagsara 'yung Senado, ang nakakatakot d'yan ay palulusutin 'yung reduction o 'di kaya zero tariff na importasyon sa kasagsagan ng anihan," hinaing ng senadora.


"Sobra naman sila. Nag-aani na ang lahat. Magsisimula na ang halos lahat ng bukid at ang kasagsagan n'yan ay sa katapusan, ngayon itong linggo na ito hanggang buong Oktubre. Bakit naman sila mag-i-import ngayon? Pambihira naman," dagdag pa niya.


Nakatakdang mag-adjourn ng sesyon ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa September 30 at magbabalik sa November 5, 2023.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page