top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 14, 2023




Tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA)-6 na matatapos na sa taong 2028 ang paggawa sa tulay na mag-uugnay sa mga isla ng Panay at Guimaras.


Ipinahayag naman ni NEDA-6 Director Arecio Casing Jr. na ipinag-utos ng Office of the President sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na paigtingin ang pagsusuri sa detalyadong engineering design (DED) ng ginagawang tulay.


“The DED will be awarded next month to the South Korean consultant,” dagdag ni Casing.


Maaaring magsimula ang aktuwal na konstruksiyon sa 2025, kaya ang Panay-Guimaras bridge ang unang itatayo para mag-ugnay ng mga Visayan islands ng Panay, Guimaras, at Negros.


Higit sa 50 taon nang nasa drawing board ang proposal na pag-ugnayin ang tatlong pangunahing mga isla sa Visayas, ngunit sa mga susunod na taon ay magkakaroon na ito ng katuparan.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 23, 2021




Pansamantalang isasarado ang Iloilo City Hall simula bukas, May 24, upang mabigyang-daan ang RT-PCR tests sa mga elective officials at iba pang empleyado ng city hall, bunsod ng lumalaganap na kaso ng COVID-19 sa lungsod, ayon kay Mayor Jerry Treñas ngayong araw, May 23.


Kaugnay ito sa naging datos ng Iloilo City-Epidemiology and Surveillance Unit simula May 1 hanggang 22, kung saan 26 city hall employees ang nagpositibo sa COVID-19, kabilang ang 2 pumanaw.


Sa ngayon ay suspendido muna ang operasyon at transaksiyon sa city hall, habang isinasailalim sa strict isolation ang lahat ng empleyado.


Nilinaw naman ni Treñas na maaaring bumalik sa work-from-home arrangement ang mga magnenegatibo sa COVID-19.


Nauna na ring iniulat na pansamantalang ibabalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) o mas mahigpit na quarantine classification ang nasabing lungsod hanggang sa katapusan ng Mayo, batay sa inilabas na resolution order ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang maiwasan ang pagkalat ng virus at ang mabilis na hawahan.






 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 5, 2021




Patay ang apat na katao sa pagbaligtad ng delivery truck sa Barangay Apelo, Sara sa Iloilo nitong Biyernes nang madaling-araw, Marso 5.


Ayon sa Sara Police Station, nang bumaligtad ang trak ay nagpaikut-ikot muna ito bago tuluyang bumangga sa isang Dryer facility kung saan nahagip ang natutulog na si Jaime Ciudad.


Maliban kay Ciudad, kabilang din sa mga nasawi ay ang drayber ng trak na si Henry Diyan, Jr., 35-anyos, pahinanteng si Rey Sinoy, 25-anyos at si Romualdo Norsan, 30-anyos.


Kaagad dinala sa ospital ang 4 ngunit idineklara nang dead on arrival.


Itinuturong sanhi ng aksidente ay ang mabilis na pagmamaneho ng drayber at hindi na nito nakontrol ang sasakyan dahil sa mabigat na kargang mga mais.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page