ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 25, 2020
Maaaring matanggal sa puwesto at makasuhan ang mga mayors na sangkot sa illegal logging at mining operations, ayon sa Malacañang.
Matatandaang ang illegal logging at mining ops ang itinuturong dahilan ng matinding pagbaha sa ilang lugar nang manalasa ang sunud-sunod na bagyo sa bansa.
Ayon kay Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, sangkot ang ilang mayor sa naturang gawain at nagsasagawa na rin umano ng imbestigasyon ang ahensiya sa tulong ng Philippine National Police at local government units upang mabantayan ang illegal logging at mining sa ilang lugar.
Saad pa ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “Depending on the final results of the investigation, pupuwede pong matanggal sa puwesto iyang mga mayor na iyan at pupuwede ring kasuhan ng kasong kriminal.”
Mensahe naman ni Roque sa mga mayors, “Well, mga mayors, ‘no, nandiyan po kayo para ipatupad po ang batas, hindi para kayo ang lumabag ng batas. Hindi po dapat ginagamit na para sa negosyo ang inyong posisyon.
“Nakita naman po natin ang danyos na dulot ng illegal logging at illegal mining lalung-lalo na riyan sa probinsiya ng Cagayan, you will have blood in your hands kung poprotektahan ninyo po ang mga illegal miners at illegal loggers.”