ni Mary Gutierrez Almirañez | April 4, 2021
Puwede nang bakunahan kontra COVID-19 ang bawat mayor at governor mula sa mga lugar na itinuturing na high risk sa virus, batay sa kumpirmasyon ni National Task Force (NTF) Deputy Chief Implementer Vince Dizon ngayong Linggo, Abril 4.
Aniya, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang hiling ng League of Provinces of the Philippines para maisama sa A1 priority list ang mga governor at mayor.
Dagdag pa niya, “This request was endorsed by the President to the IATF and the IATF yesterday decided to initially allow Mayors and Governors in high risk and critical areas.”
Paliwanag pa niya, mahalaga umanong mabakunahan din ang local officials sapagkat sila aniya ang commander sa mga frontliner.
Sa huling tala ay mahigit 400 na governor at mayor mula sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan nito ang nasa high risk at critical na kondisyon. Kaugnay nito, makikipag-usap ang NTF sa National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) sa mga susunod na araw upang planuhin ang sabay-sabay na pagbabakuna sa A1 hanggang A4 priority groups.
“Dapat wala pong bakuna na natetengga o naiiwan lang sa ating mga stock rooms. Kailangan talaga, we vaccinate as many Filipinos as possible. Kailangan sabay-sabay, simultaneous. Hindi na kailangang maghintayan para ang mga bakuna ay hindi nasasayang,” sabi pa ni Dizon.