ni Angela Fernando - Trainee @News | January 14, 2023
Humirit ang isang mambabatas ng imbestigasyon para sa nangyayaring kampanya upang baguhin ang Konstitusyon ng 'Pinas, dahil sa mga kumakalat na ulat ng pagbili ng pirma na kasabay ng pamimigay ng tulong pinansyal mula sa gobyerno.
Isinusulong ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Representative France Castro at ng Makabayan bloc ang isang imbestigasyon sa ilalim ng House Resolution 1541.
Ito ay matapos pumutok ang balita sa paggamit sa people's initiative para sa Charter Change (Cha-cha).
"Ang ilan ay pinangakuan ng ayuda, at ang iba naman ay isinabay ang pagpapapirma sa gift giving noong Kapaskuhan. May report din na pati mga PWD (persons with disability) ay nililinlang para papirmahin sa Cha-cha," aniya.
Dagdag pa ni Castro, hindi raw masisisi ang taumbayan kung iisipin ng mga ito na ginagamit ang kaban ng bayan upang isulong ang kampanyang baguhin ang Konstitusyon sa ilalim ng administrasyong Marcos kahit ano pang tanggi ng mga nagsusulong ng Cha-cha.
Matatandaang inakusahan ng ilang mambabatas mula sa oposisyon nu'ng nakaraang linggo ang mga opisyal ng pamahalaan ng pagbili ng mga pirma at panggugulang sa madla upang pirmahan ang mga dokumentong sinasabing suporta ng publiko para baguhin ang 1987 Philippine Constitution.