ni Lolet Abania | February 23, 2022
Nakatakdang i-report ng mga opisyal ng Pilipinas sa labor authorities ang mga Hong Kong employers na binitawan na ang kanilang mga tauhan matapos na magpositibo sa test sa COVID-19 ang mga ito, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na sa ngayon mayroong 76 overseas Filipinos sa Hong Kong na nagpositibo sa test sa COVID-19 na karamihan sa kanila ay nasa isolation habang walo ang na-admit sa mga ospital.
Nakatanggap naman si Cacdac ng mga reports na ilan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang hinayaan nang umalis ng kanilang mga employers, subalit nakumbinsi na ring i-rehire ang mga nasabing manggagawa.
“Sa talaan natin ay parang isa lang ang naka-record sa atin na hindi pa makumbinsi na employer, idudulog na natin ito sa Hong Kong labor authority,” sabi ni Cacdac sa Laging Handa virtual briefing ngayong Miyerkules.
“Under Hong Kong law ay hindi sila dapat i-terminate kasi puwede naman mag-SL (sick leave) o ‘di kaya makabalik after nila mag-recover,” paliwanag ng opisyal.
Ayon kay Cacdac, ang mga Hong Kong employers na itutuloy pa rin ang termination ng mga kontrata ng kanilang mga empleyado dahil sa nagpositibo sa test sa COVID-19 ay mahaharap sa labor cases, at iba-blacklist na sa Pilipinas.
“Kailangan lang siguro ipaliwanag sa mga Hong Kong employers itong sitwasyon na ito at in fairness, marami naman sa kanila ang nakukumbinsi na tanggapin muli ang ating mga OFWs,” sabi ni Cacdac.
Ayon naman kay Philippine Consul General Raly Tejada, aabot na sa 10 OFWs sa Hong Kong ang pinipilit ng kanilang mga employers na matulog sa mga pampublikong lugar matapos na magpositibo sa test sa COVID-19.
Gayunman, sinabi ni Cacdac na pinag-aaralan na ng local labor authorities na mag-deploy ng isang medical team na mag-aasikaso sa mga Pinoy workers na nasa Hong Kong, katuwang ang mga awtoridad sa naturang special administrative region.