ni Angela Fernando @Entertainment News | July 18, 2024
Inihirit ng mga abogado ni Angelina Jolie na tapusin na ang away at iurong ang demandang isinampa ni Brad Pitt kadikit ng French vineyard.
Matatandaang nasa isang legal na laban pa rin tungkol sa pag-aari ng Château Miraval at mga negosyo sa paggawa ng alak na sinimulan nila nu'ng 2008 at naging 50-50 na kasosyo hanggang 2021 ang mag-asawa. Ang nasabing demanda ay nagsimula nang magpasya si Jolie na ibenta ang kanyang bahagi.
Nagsampa kalaunan ng demanda si Pitt tungkol sa bentahan, na sinasabing ang pagbebenta ay labag sa kanilang naunang kasunduan kung saan dapat ay bibilhin ni Pitt ang parte ng dating asawa.
Nagsampa naman ng mosyon nu'ng Abril ngayong taon ang mga abogado ni Jolie kung saan binigyang-diin nilang tumanggi si Pitt na bilhin ang parte ni Jolie sa winery maliban kung pumayag siyang pumirma ng mas malawak na non-disclosure agreement (NDA).
Sinabi nilang ang NDA ay isang pagtatangka ni Pitt na pagtakpan ang kanyang pang-aabuso kay Jolie at sa kanilang mga anak na itinanggi ng mga abogado ni Pitt.
Naglabas ng pahayag ang abogado ni Jolie na si Paul Murphy sa Entertainment Tonight kamakailan, na nagsasabing sinubukan ni Pitt na kontrolin si Angelina sa pamamagitan ng paghingi ng mas malawak na NDA.