ni Lolet Abania | May 1, 2022
Nakapagtala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng pinakamataas na heat index temperature na 50 degrees Celsius, nitong Sabado, Abril 30, sa Dagupan City sa Pangasinan.
Sa ulat ng state weather bureau, ang temperatura ay nai-record nang alas-5:00 ng hapon, kahapon.
Ang heat index o “init factor” ay ang sukatan ng temperatura na nararamdaman ng isang tao, kumpara sa aktuwal na tinatawag na air temperature.
Ayon sa PAGASA, ang mga lugar na nakapag-register ng above-40 degrees Celsius heat index, nito ring Sabado ay ang mga sumusunod:
• Aparri, Cagayan: 46ºC, nasa 5PM
• Laoag City, Ilocos Norte: 44ºC, nasa 2PM
• Casiguran, Aurora: 42ºC, nasa 2PM
• Masbate City, Masbate: 42ºC, nasa 1PM
• NAIA, Pasay City: 42ºC, nasa 1PM
Sinabi naman ng PAGASA na mula Marso 1 hanggang Abril 30, ang pinakamataas na heat index ay nai-record din sa Dagupan City na nasa 54ºC noong Abril 22, alas-2:00 ng hapon.
Klinasipika rin ng PAGASA bilang nasa “danger” zone ang mga lugar na may heat index na nagre-range ng 42ºC hanggang 51ºC, at nasa “extreme danger” kapag ang heat index ay nasa 52ºC at pataas.
Paliwanag ng PAGASA, kapag ang heat index ay nasa danger zone, ang mga residente ay maaaring makaranas ng heat cramps at heat exhaustion, at posibleng tamaan ng heat stroke kung magpapatuloy ang exposure nito.
Sa mga lugar na nasa ilalim ng extreme danger, ani PAGASA, “heat stroke is imminent.”
Paalala naman ng weather bureau sa publiko na limitahan ang kanilang oras na inilalaan sa labas o outdoors, uminom ng maraming tubig at iwasan ang tea, coffee, soda at liquor.
Hinihimok din ang lahat na gumamit ng payong, sumbrero at magsuot ng damit na may manggas.
Pinapayuhan naman ng PAGASA ang publiko na mag-iskedyul ng tinatawag na heavy-duty activities sa umpisa ng umaga o kaya matatapos na ang buong araw kapag ang temperatura ay mas lumamig na.