ni Lolet Abania | May 30, 2021
Pumanaw na si Dumaguete City Vice-Mayor Alan Gel Cordova matapos makaranas ng heart attack nang dumalo sa isang bike event ngayong Linggo.
Si Cordova na nasa early 50s ay nakumpleto ang kanyang 14-day quarantine at nakarekober na sa COVID-19. Sinabi naman ng kanyang asawa na wala na silang alam na iba pang health condition ng bise-alkalde.
Ayon kay Councilor Joe Kenneth Arbas, kaalyado at malapit na kaibigan ni Cordova, nakibahagi ang vice-mayor sa isang “bike for a cause” sa Tanjay City na nasa 41 kilometro ang layo mula sa lungsod.
Habang sakay ng kanyang bisikleta pabalik na sa Dumaguete, bigla itong nag-collapse sa national highway sa Barangay Bantayan.
Isinugod si Cordova sa Negros Oriental Provincial Hospital subalit namatay din matapos na ilang beses i-revive.
“He [Cordova] would have been one of our legacies of good governance and honest service to the city. I have lost hope that Dumaguete would have a good leader like him,” ani Arbas sa mga reporters.
Unang nagsilbi si Cordova bilang councilor sa lungsod bago nahalal na vice-mayor noong 2019 elections.