ni Eli San Miguel - Trainee @News | February 18, 2024
Nagmungkahi si AGRI Party-list Representative Wilbert T. Lee ng pagpapalawak sa mga benepisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa isang briefing ng House Committee on Health noong Pebrero 14.
Binigyang-diin ni Lee ang kakayahan ng PhilHealth na patuloy na mapataas ang mga benepisyo.
“Gusto natin hanggang 100% coverage!” hirit ng AGRI Representative.
“Kaya ng PhilHealth na araw-arawin ang pagtataas at pagpapalawak ng benepisyo,” dagdag niya.
Nagpasalamat din ang mambabatas tungkol sa pagdinig ng ahensya sa isinusulong niyang 30% na dagdag-benepisyo sa mga miyembro nito, na opisyal nang naipatupad noong Pebrero 14.
“I would like to thank the leadership of PhilHealth, headed by President and CEO Emmanuel Ledesma Jr., for heeding our call as early as September 2023 during our budget briefing here in Congress to increase its benefit packages given the available budget of the agency,” pahayag ni Lee.
“Masaya tayo na sinimulan nang ipatupad ang ipinaglaban nating 30% increase sa benefit packages ng ahensya. Pero hindi tayo hihinto sa 30% increase lang. Sa pagtaas ng premium ngayong taon, magkakaroon na naman ng dagdag na pondo ang PhilHealth. Dapat tuluy-tuloy pa ang pagtaas sa coverage ninyo,” dagdag niya.
Sa pagpupulong ng komite, ipinahayag naman ng state health insurer ang kanilang pangako na palalawakin ang mga benepisyo na iniaalok sa mga miyembro at mga benepisyaryo.
“110% agree. I would like to promise this committee, that kami dito at PhilHealth, we will deliver big time… Lahat ‘yan, matutupad namin,” pangako ni Ledesma.