ni Mabel Vieron @Health & Life | August 29, 2024
Tag-ulan na naman kung kaya uso na muli ang sakit na leptospirosis, ang iba sa atin ay ‘di pa rin alam kung ano nga ba ang ibig sabihin nito. Sa artikulong ito ating ipapaliwanag kung ano nga ba ang leptospirosis at paano ito maiiwasan.
Ang leptospirosis ay isang malubhang impeksyon dulot ng bacteria na inilalabas ng mga hayop sa kanilang pag-ihi. Kadalasang nakukuha ito sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng daga.
Bukod sa mga daga, maaari ring maging carriers ang mga baka, baboy at aso.
Mahalagang maging alerto sa sintomas ng leptospirosis kung napasugod sa baha lalo na kapag may sugat sa binti at paa.
Ang sintomas ng leptospirosis ay karaniwang nararamdaman 4 hanggang 14 na araw matapos ma-expose. Ito ang tinatawag na incubation period at sa oras na ito maaaring maramdaman ang mga sumusunod:
Lagnat
Pag-ubo
Panginginig
Pagkahilo at pagsusuka
Pagkawala ng ganang kumain
Pamamantal ng balat
Pagsakit ng mga kalamnan lalo na sa hita at likod
Maaaring lumubha ang leptospirosis at maging dahilan ng pagkamatay kapag hindi agad ito naagapan. Ang malubhang karamdaman ng leptospirosis ay tinatawag na Weil’s disease. Ito ang ilan sa mga sintomas:
Paninilaw ng balat at ng puting bahagi ng mga mata
Pananakit ng dibdib
Seizures
Pag-ubo ng dugo
Kawalan ng gana kumain
Pamamantal ng balat
Pamumula ng mga mata
Pagsakit ng mga kalamnan lalo na sa hita at likod
Ang sakit na ito ay kadalasang naaagapan sa pamamagitan ng leptospirosis prophylaxis o ang pag-inom antibiotics tulad ng penicillin at doxycycline.
Mahalagang tapusin ang pag-inom ng gamot ayon sa iyong doktor dahil maaaring bumalik ang bacteria kapag itinigil ang medikasyon.
Umiwas sa mga maruruming tubig at lupa na maaaring kontaminado ng ihi ng mga hayop lalo na kung ikaw ay mayroong sugat. Kung hindi maiwasan ang paglusong sa tubig-baha, magsuot ng bota at maging listo sa mga sintomas ng leptospirosis.
Kung sa iyong palagay ay posible kang makakuha ng bacteria mula sa iyong alagang hayop, magtanong sa isang veterinarian tungkol sa bakunang ito. Kung kayo ay makararanas ng sintomas ng leptospirosis, agad na pumunta sa inyong doktor upang magpakonsulta at para mabigyan ng tamang lunas ayon sa inyong karamdaman.
Ngayong patuloy pa rin ang pag-ulan, please lang mga ka-BULGAR, alagaan natin ang ating mga sarili. Okie?