ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Feb. 10, 2025
BG: FA
Dear Doc Erwin,
Masayang pagbati sa inyo Doc Erwin at sa mga bumubuo ng BULGAR newspaper. Ako ay inyong matagal ng masugid na tagasubaybay. Mahigit 40 years old na ako at may mga sakit na iniinda. Sa pinakahuling laboratory examination ko ay nananatiling mataas ang aking cholesterol. Isa sa mga inireseta sa’kin ay ang Niacin. Ayon sa aking doctor, ito raw ay isang uri ng Vitamin B na makakatulong sa aking cholesterol at sa aking puso. Maaari bang matulungan niyo ako upang maintindihan kung papaano makakatulong ang isang bitamina sa aking sakit? Maaari bang makuha ang Niacin sa pagkain? Ano ang dapat kong malaman kung iinom ng Niacin? Maraming salamat at sana’y masagot niyo ang aking mga katanungan. — Abraham
Maraming salamat Abraham sa iyong pagliham, mga katanungan at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Ang Niacin ay ang generic name ng nicotinic acid at nicotinamide. Ito ay isang uri ng Vitamin B3 na kasama ng mga water-soluble vitamins. Ang Niacin ay natural na sangkap ng ilang mga pagkain. Inihahalo rin ang Niacin sa mga pagkain upang ito ay mas maging nutritious. Available rin ito bilang dietary supplement.
Lahat ng tissues sa ating katawan, maliban sa ating skeletal muscles ay gumagamit ng Niacin. Kino-convert ang Niacin sa active form na coenzyme na NAD at NADP.
Kinakailangan ang NAD ng mahigit na 400 enzymes sa ating katawan upang gawing enerhiya ang mga carbohydrates, proteins at fats mula sa kinakain natin. Ang NAD ay kailangan din upang mapanatili na ma-repair ang ating DNA at sa cellular communication. Ang NADP ay malaki ang naitutulong sa cellular antioxidant functions at sa synthesis ng fatty acids at cholesterol na kailangan ng ating katawan.
Ayon sa expert committee ng Food and Nutrition Board ng National Academies of Sciences, Engineering, and Medicine sa bansang Amerika, kinakailangan natin daily ang 14 to 16 milligrams ng Niacin. Halos lahat ng Niacin na nasa ating pagkain ay na-absorb ng ating katawan at dahil ito ay isang water soluble vitamin, ang sobra sa pangangailangan ng katawan ay inilalabas ng ating katawan sa ating ihi (urine).
Ang Niacin ay makikita sa iba’t ibang uri ng karne katulad ng manok, baboy at baka, isda at mga halaman, nuts, at legumes. May Niacin din ang brown rice at ang puting bigas (white rice).
Ayon sa Cleveland Clinic, isang tanyag na health institution sa Amerika, ang Niacin supplements ay ginagamit upang gamutin ang high cholesterol level. Ang Niacin ay natural na alternatibo sa mga tao na ayaw uminom ng mga prescription medications para bumaba ang cholesterol level.
Ang Niacin ayon pa rin sa Cleveland Clinic ay nakakatulong na makaiwas sa high blood pressure. Batay sa kanila, kung ang iyong mga kinakain ay may sapat na Niacin, makakatulong ito sa pagpapanatili ng normal na blood pressure.
Ang mga nabanggit ang maaaring mga dahilan kung bakit ang Niacin ay isa sa mga ang inireseta sa iyo ng iyong doktor. Ngunit bukod dito ay may ibang health benefits pa ang Niacin at ang isang uri ng Vitamin B3, ang Niacinamide.
Sa isang pag-aaral na inilathala sa Journal of Experimental and Clinical Cancer Research noong October 7, 2020, ang Niacin ay nakakapatay ng mga skin cancer cells (melanoma). Nakakatulong din ang Niacinamide, ayon sa Cleveland Clinic, sa mga sakit sa balat katulad ng acne, rosacea, sun damaged skin at ilang autoimmune skin diseases. Maaari ring makatulong ito upang makaiwas sa skin cancer.
Sa pag-aaral na pinangunahan ni Dr. Valeria Gasperi ng Department of Experimental Medicine ng University of Rome, nakita ang kahalagahan ng Niacin upang masuportahan ang brain health at makatulong upang ma-delay ang neurodegeneration, at maiwasan ang dementia at psychiatric disorders. Mababasa ang pag-aaral na ito sa International Journal of Molecular Sciences na inilathala noong February 23, 2019.
Tandaan lamang na maaaring makaranas ng flushing matapos uminom ng Niacin supplement. Ito ay harmless at panandalian lamang ngunit maaari ring hindi kanais-nais ang pakiramdam. Mag-umpisa sa mababang dose (30-50 milligrams) upang makaiwas o mabawasan ang flushing na mararamdaman.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com