ni Mabel G. Vieron @Gulat Ka 'No?! | September 13, 2023

Kilalanin natin ang tatlong lalaki na kinilala ng Guinness World Record bilang “World’s Strongest Beards” na kayang bumuhat ng tao at humila ng kotse at tren.
Maaaring hindi kapani-paniwala para sa iba ang ganitong kwento, dahil biruin mo ba naman kasi hindi nila kinakailangan gumamit ng kamay o magpatulong sa ibang tao.
Noong taong 2012, si Kapil Gehlot, 24-anyos, ay humila ng kotse na may bigat na 2,205 kg (4,861.193 lbs). Ang kanyang hindi kapani-paniwalang tagumpay ay pinanood ng taumbayan sa Jodhpur, Rajasthan, India. Makikita sa isang video clip na ibinahagi ng Guinness, gumamit lang sila ng isang metal plate na mayroong mga bolts at inilagay sa balbas ni Gehlot at matapos nu’n ay buong lakas niya itong hinila na may haba ng 68 meters.
Bago ‘yun, noong taong 2001, si Ismael Rivas Falcon ay nagpakitang gilas din sa paghila ng pinakamabigat na tren sa isang set ng El Show de los Récords sa Madrid. Maniwala man kayo o hindi, kinayang hilain ni Falcon ang isang tren na may bigat na 2,753.1kg (6,069 lb) at may layong 10 meters, para mas maging challenging, pinuno pa ito ng mga pasahero. May isang lalaki rin na kaya namang bumuhat ng tao gamit din ang balbas.
Ang tinutukoy naman natin ngayon ay walang iba kundi si Antanas Kontrimas. Kinaya niya lang namang bumuhat ng isang tao na may timbang na 63.80 kg (140 lb 10 oz).
Nagawa pang magpapiktyur ni Kontrimas habang nakalambitin ang isang babae mula sa mga strap na nakalagay sa kanyang balbas habang nakataas ang kanyang mga braso.
Grabe, di ba?!! 'Ika nga nila, balbas lang sakalam.